November 2, 2024

MOTORBANCA TUMAOB, 3 MANGINGISDA NAILIGTAS

TINULUNGAN ng  Philippine Coast Guard (PCG) ang tatlong mangingisda makaraang lumubog ang kanilang motorbanca sa karagatang sakop ng San Nicolas Shoals sa Cavite.

Nalaman sa PCG na habang naglqlayag sa San Nicolas Shoal ay dumanas ng engine trouble ang motorbanca, na sinabayan pa ng malakas na hangin at maalong karagatan, dahilan para tumaob.

Kinilala  ng PCG ang tatlo na sina Joel Dela Cruz Dimano Jr., 45-anyos, Alexander Bababel 44,  at Joshua Morallos, 22-taong gulang,  mga residente ng Mariveles, Bataan.

Unang nakatanggap ng report ang PCG Station Manila  mula sa PCG District NCR-Central Luzon tungkol sa tatlong mangingisda na nakita ng cargo vessel na MV Ever Pride at isinakay ang tatlo

Agad na nagtungo ang barko ng Coast Guard na BRP Malabrigo sa nasabing lokasyon para tumulong sa mga mangingisda.

Maayos  na ang kalagayan ang mga nakaligtas na mangingisda na nasuri na rin ng mga tauhan ng PCG Medical Service.

Dinala ang mga naturang mangingisda sa Cunanan Wharf sa Maynila at nai-turn over na sila sa may-ari ng sinasakyang bangka na si Mrs. Percy Frianela.