November 24, 2024

PANGARAP NI MARCOS: WALA NANG GUTOM NA FILIPINO

PANGARAP ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na wakasan ang ‘gutom’ sa Pilipinas.

“Ang pangarap ko ay wala nang gutom na Pilipino. Tiyak ko na pangarap rin ng bawat isa sa atin yan,” sambit ni Marcos Jr. sa kanyang latest vlog ngayong Linggo.

Binigyang-diin ng pangulo na kailangang direktang tutukan ang agrikultra at muling ayusin ang sistema upang tugunan ang problema sa kagutuman.

“Simple lang naman ang pangarap ko: Kailangan magkaroon ng kumikitang kabuhayan ang ating mga magsasaka ng sa ganon ay maengganyo ang susunod pang mga henerasyon na ipagpatuloy ang industriyang ito. Pangalawa, magkaroon tayo ng seguridad sa pagkain na ‘di umaasa hanggat maaari sa ibang bansa. At pangatlo, ang magkaroon ng murang pagkain para sa lahat,” ayon sa pangulo.

Tiniyak ni Marcos Jr. sa publiko na ang kanyang administrasyon ay patuloy na mangunguna sa mga hakbangin upang palakasin ang agrikultura upang mapabuti ang seguridad sa pagkain at maibsan ang gutom.

“Patuloy ang ating pagpupursigi na ibangon at ilaban ang industriyang ito hanggang sa makamtan natin ang mga pangarap na yan,” saad niya.