January 23, 2025

KULONG, MULTA VS SAGABAL SA SIDEWALK (Paparada, magbebenta, lamay, atbp., bawal)

NAIS ni Pangasinan Cong. Ramon Guico, Jr. Na patawan ng parusa ang mga gagamitin ng sidewalks bilang “commercial at personal purposes.”

Ito ang nakapaloob sa house bill 1252, o ang “Unobstructed Sidewalks Act.”

Salig sa panukala ni Guico, bawal na sa sidewalk ang paliligo, paglalaba at pagsampay ng damit, pagbebenta ng pagkain, dyaryo, sigarilyo at iba pang produkto.

Bawal na rin ang pagparada at pag-repair ng sasakyan, motorsiklo at iba pa; pagtatapon ng basura, paglalagay ng basketball court, pasugalan, funeral service o burol, religious activities, extension ng bahay at tindahan, pagtambak ng construction materials at paglalagay ng halalan, puno, at plant boxes.

Kung lumusot at ganap na maging batas, ang mga lalabag ay pagmumultahin ng 10,000 hanggang 30,000 pesos o kulong ng 6 na buwan hanggang 1 taon.

Pagmumultahin din ng 100,000 hanggang 500,000 pesos ang mga local officials na mabibigong ipatupad kung ito ay maging ganap na batas.

Katwiran ni Guico, ang sidewalks bilang pampublikong lugar ay hindi dapat ginagamit sa mga personal na aktibidad at layunin.

Gayunman, may probisyon sa panukala na pwede naman magbigay ng permit para sa pansamantalang gamitin ng sidewalks gaya ng community-wide occasions o charitable purposes.