November 23, 2024

Sekyu arestado sa P341K shabu sa Malabon

SWAK sa kulungan ang isang security guard na sumasideline umano sa pagbebenta ng droga matapos makuhanan ng mahigit P.3 milyon halaga ng shabu sa buy bust operation sa Malabon City.


Kinilala ni Malabon police chief Col. Albert Barot ang naarestong suspek bilang si Jericho Santiago alyas “Bebe”, 43, security guard at residinte ng No. 267 F. Sevilla St. Brgy. Tañong.  


Ayon kay Col. Barot, dakong alas-3:45 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa ilalim ng pangangasiwa ni PLT Alexander Dela Cruz ng buy bust operation sa F. Sevilla St. corner Sacristia St. Brgy. San Agustin matapos ang natanggap na impormasyon hinggil sa pagbebenta ng suspek ng illegal na droga.


Isang undercover police ang nagawang makipagtransaksyon sa suspek ng P4,500 halaga ng droga at nang tanggapin niya ang marked money mula sa poseur-buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad siyang dinamba ng mga operatiba.


Nakumpiska sa suspek ang 11 pirasong heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng humigi’t kumulang 50.24 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price Php341,632.00 at buy bust money na isang tunay na P500 bill at apat pirasong P1,000 boodle money.


Ani PMSg Randy Billedo, nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.