November 24, 2024

Nagpakilalang opisyal ng PNP Maritime Group timbog sa kotong sa Batangas

CALACA, BATANGAS – Nadakip ng mga rumespondeng mga kagawad ng Barangay Salong at mga taumbayan sa pamamagitan ng “citizen arrest” ang isang suspek na nagpapakilalang opisyal ng PNP Maritime Group na nangingikil sa mga mangingisda sa iba’t ibang bayan sa probinsya ng Batangas sa Baragay Salong ng nasabing bayan Sabado ng gabi.

Kinilala ang suspek na si Zoren Guerero, 20, residente ng Barangay Wawa ng Nasugbu, Batangas

Batay sa ulat ng Calaca Municipal Police Station kay Batangas Police Provincial Director Colonel Glicerio Cansilao, bandang alas-6:00 ng gabi nang arestuhin ng mga naturang  opisyal ng barangay ang suspek matapos itong magtangkang mangikil ng pera sa mangingisdang biktima na si Gary De Gala na isa ring barangay kagawad sa nasabing lugar matapos itong humingi ng tulong sa iba pang konsehal ang biktima.

Nagpapakilala umanong isang Lieutenant Ramos, ng PNP Maritime Group ang suspek at nakadestino di umano sa National Capital Region (NCR) subalit wala itong maipakitang pagkakakilanlan at identification cards (ID’s). Bago pa ang insidente ay inabisuhan na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mga mangingisda sa lugar na agad ireport ang isang taong nagpakilalang “Lieutenant Ramos” o “Lieutenant Guerero,” dahil hindi ito empleyado ng kahit anong ahensya ng gobyerno na ang pakay ay humingi ng pera sa mga mangingisda.

Nakaditine na ngayon sa Calaca Municipal Custodial Facility ang suspek at mahaharap sa mga  kasong Usurpation of Authority and Robbery Extortion. (KOI HIPOLITO)