Ipinag-utos ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa Department of Justice (DOJ) na repasuhin ang reklamong inihain ng National Bureau of Investigation laban sa 22 pulis na umano’y sangkot sa kwestiyonableng pagkamatay ng walong ‘high-profile inmates’ sa New Bilibid Prisons (NBP) kung saan pinapalabas na namatay ang mga ito sa COVID-19 dalawang taon na ang nakalilipas.
Ayon kay Mico Clavano, abogado ng Office of the Justice Secretary, na ang bilang ng mga posibleng respondent at ang mga kaso ay maaari pa ring magbago, depende sa resulta ng pagsusuri ng DOJ.
“The SOJ (secretary of justice) is stern in his desire to hold all those involved accountable,” saad niya.
“Remulla wanted to validate the facts already presented but would like to inquire more into the incident,” dagdag pa nito.
Aniya, tinalakay ni Remulla ang usapin kay NBI officer in charge Medardo de Lemos noong Lunes.
Noong nakaraang linggo, sinabi ng NBI na mayroon itong ebidensya na sumusuporta sa murder case laban sa 22 opisyal—isang police major, dalawang sarhento, 15 corporal, tatlong patrolman at isang police doctor na may ranggong tenyente koronel, lahat ay kabilang sa Philippine National Police – National Capital Region Police Office (PNP-NCRPO).
Ang pagkamatay ng mga bilanggo ay naging kahina-hinala dahil sunod-sunod silang namatay noong Mayo-Hunyo 2020 sa kasagsagan ng pandemic lockdown sa kabila ng mga testimonya mula sa ibang mga bilanggo na sila ay nasa mabuting kalusugan. Ang kanilang mga labi, maliban sa isa, ay agad na na-cremate.
Ang imbestigasyon ng NBI noong nakaraang taon ay iniutos ng noo’y Justice Secretary Menardo Guevarra matapos ibunyag ni Senate President Vicente Sotto III noong Hulyo 19, 2020, na ang preso na si Jaybee Sebastian, na itinuturing na pangunahing testigo ng prosekusyon laban sa nakakulong na si Sen. Leila de Lima, ay namatay ilang araw ang nakalilipas.
Ibinigay ni Sotto sa mga mamamahayag ang listahan ng mga pangalan ng walong iba pang mga preso na hindi inanunsiyo ng BuCor o ng NCRPO ang pagkamatay ng mga ito, na siyang may huling kustodiya sa kanila.
Ang mga bilanggo na iniulat na namatay sa COVID-19, tulad ni Sebastian, ay kinilalang sina Francis Go (namatay noong Mayo 28, 2020), Shuli Zhang (Mayo 30), Jimmy Ang (Hunyo 1), Eugene Chua (Hunyo 2), Benjamin Marcelo (Hunyo 2), Sherwin Sanchez (Hunyo 4), Amin Imam Boratong (Hunyo 5), at Willy Yang (Hunyo 17).
Nauna nang sinabi ni NCRPO chief Police Maj. Gen. Felipe Natividad na nagsimula na sila ng sariling imbestigasyon kaugnay sa mga natuklasan ng NBI.
Sinabi ni Assistant Secretary Gabriel Chaclag, ang tagapagsalita ng BuCor, na sasagutin nila ang anumang alegasyon sa tamang venue, maging sa prosecutor’s office o sa korte. Aniya, naging “transparent at cooperative” ang BuCor sa pagsisiyasat ng NBI.
Ayon sa 73-pahinang ulat ng NBI’s Death Investigation Division (NBI-DID), ginamit lang ang COVID-19 pandemic para pagtakpan ang mga pagpatay sa mga preso.
Nabatid pa na hindi ito tugma sa alegasyon ng mga tauhan ng NCRPO na inalagaan umano nila ang mga inmates at nakaalerto habang may COVID-19; natagalan umano bago nadala ang mga inmates sa pagamutan; lahat ng inmates ay idineklarang ‘dead-on-arrival’ dahil sa ‘cardiac o pulmonary arrest, ngunit sa pagsusuri ay walang nakitang sintomas ng COVID-19 sa kanila ilang araw bago sila namatay.
“They availed the situation that in case of COVID-19 cases, cadavers should immediately be cremated. Cremation, for this case, was the final act to consummate and effectively cover-up the scheme to kill the victims,” ayon sa NBI.
Natagpuan nila na ‘natural cause’ ang ikinamatay ni Jaybee Sebastian.
Dahil dito ay sinampahan ng walong counts ng murder ng NBI ang 22 tauhan ng NCRPO na direktang may pananagutan o partisipasyon sa pagkamatay ng mga inmates.
More Stories
AYUDA HINDI NAGAGAMIT SA POLITIKA – DSWD CHIEF
VP SARA IPATUTUMBA MGA MARCOS (PSC nakaalerto)
INA, ANAK NA MAY KAPANSANAN PINAGPAPALO SA ULO NG DRUG ADDICT, PATAY