November 1, 2024

P1.5 MILYON SHABU, MARIJUANA AT BARIL NASABAT SA BUY BUST SA CALOOCAN, 2 ARESTADO

NASA mahigit P1 milyong halaga ng shabu, marijuana at baril ang nakumpiska ng pulisya sa dalawang lalaki sa isinagawang Oplan Paglalansag Omega, Oplan Big Bertha at Oplan Salikop Martes ng hapon sa Caloocan City.

Nakilala ang mga nadakip na sina Emmanuel Joseph Bendal, 31 ng Blk 13 Lot 39 Belmont Park. Brgy. Caypondo, Sta Maria, Bulacan at Jess Noriega, 41 ng 130 San Vicente, Macabebe, Pampanga na umano’y sangkot sa pagbebenta ng hindi lisensiyadong baril at ilegal na droga sa area ng CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas,Valenzuela).

Dakong alas-5 ng hapon ng ikasa ng pinagsanib na puwersa ng Criminal Investigation and Detection Group ng Northern Metro Manila District Field Unit (CIDG-NMMDFU), District Special Operation Unit ng Northern Police District (DSOU-NPD) District Drug Enforcement Unit (DDEU) at Caloocan City Police ang buy-bust operation laban sa mga suspek na nag-alok ibenta ang kalibre .45 pistola sa halagang P10,000.00 sa 7th Avenue, Brgy. 54.

Nang dumating sa lugar na itinakda ang mga suspek, sakay ng isang kulay itim naHyundai Tucson na may plakang UIT-299, kaagad silang sinalubong ng pulis na nagpanggap na buyer upang i-abot ang markadong salapi kapalit ng ibinebentang kalibre .45 baril.

Nang tanggapin ng pulis ang baril kapalit ang ibinayad na markadong salapi, kaagad nang pinalibutan ng kapulisan ang mga suspek na nagresulta sa kanilang pagkakadakip.

Bukod sa ibinebentang baril, nakumpiska sa mga suspek ang tinatayang 200 gramo ng shabu na nakalagay sa dalawang plastc ice bag na nagkakahalaga ng P1,360,000.00, 30 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana na umaabot sa halagang P168,000.00, markadong salapi na kinabibilangan ng isang P1,000 genuine na salapi at siyam na pirasong P1,000 boodle money, cellular phone, dalawang magazine assembly ng kalibre 45 baril at 14 na bala ng naturang kalibre.

Ang mga nadakip ay iprinisinta na sa piskalya ng Caloocan kaugnay sa isasampa sa kanilang mga kasong paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Act at R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act.