November 24, 2024

LIBRENG SAKAY INIHINTO, FUEL PRICE HIKE PATULOY (Pasakit sa mga tsuper, pasahero)

MATAPOS ihinto ng gobyerno ang programang Libreng Sakay sa ilang lugar, nangangamba ang transport groups sa epekto nito sa mga commuter at driver na nakikipagsapalaran ngayon sa walang habas na pagtaas na presyo ng gasolina.

Ayon kay Ariel Inton, founder ng Lawyers for Commuter Safety and Protection, dapat hindi ihinto ng gobyerno ang free ride program sa public utility vehicles dahil malaking tulong ito sa mga commuters ngayong kasagsagan ng pandemya.

Paliwanag niya, hindi lamang muling maglalabas muli ng pera ang mga commuter para mamasahe, kailangan din nilang magtiis sa mahabang pila, dahil marami ang huminto sa pamamasada dulot ng mataas na presyo ng petrolyo na halos walang kinikita araw-araw.

Sinabi pa nito, na hinayaan na ng mga pasahero ang dagdag na P1 sa pasahe sa PUVs na ipinatupad kamakailan sapagka’t alam nila na dahil dito ay mas maraming driver ang mamamasada upang magsakay ng mga pasahero.

“Iyon po bang increase in fare, may katumbas na increase in the number of units na papasada? Meron bang katumbas yan na mas magandang serbisyo?” tanong ni Inton.

Nanawagan din si Inton sa gobyerno na paghandaan ang mas mataas na bilang ng mga pasahero dahil maraming may-ari ng mga pribadong sasakyan ang mas ninais na lang sumakay sa pampublikong sasakayan dulot ng fuel price hikes.