November 2, 2024

MARCOS JR, NANAWAGAN NG KALAYAAN SA PANDEMYA, ‘CANCEL CULTURE’

Bukod sa paglaya mula sa pananakop at kahirapan, sinabi ni President-elect Ferdinand Marcos Jr. na dapat ding lumaya ang lipunan mula sa mapanirang pag-iisip.

Sa kanyang Independence Day message na ipinost sa kanyang social media account ngayong Linggo, sinabi ni Marcos na ang katangian ng mga Pilipino na nagpalaya sa bansa mula sa mga mananakop ay siya siyang katangian na magagamit upang makalaya ang Pilipinas mula sa mga hamong kinakaharap nito ngayon.

Sinabi ni Marcos na ang kahirapang dala ng pandemya ay patuloy na pinag-uusapan ng mga eksperto. Nagpahayag na rin umano ng kahandaan ang ibang bansa na tumulong upang maka-ahon ang bansa.

Dapat din umanong lumaya ng bansa mula sa mapanirang pag-iisip na nagdudulot ng pagkakawatak-watak ng lipunan.

“Pangalawa ay ang kalayaan mula sa makaluma, mapanghusga at mapanirang pag-iisip na siyang nagdadala ng galit, pagkamuhi sa kapwa at patuloy na pinagwawatak-watak ang ating lipunan. Cancel culture man ito, discrimination, mga bayolenteng hate crime lahat yan ay hindi na katanggap-tanggap sa ating makabangong panahon,” sabi ni Marcos.

Ang mga negatibong katangian umanong ito ang humihila sa bansa mula sa mabilis na pagbangon.

“Sana ay huwag tayong magpasakop sa ganitong pag-iisip. Palawigin ang ating pagrespeto, pagtanggap at pag-unawa sa isa’t isa,” sabi pa nito.

Ang mga katangiang kailangan umano para makabangon at maging matagumpay ay likas na sa mga Pilipino.

“Talino, galing, kagitingan at higit sa lahat ang pagmamahal sa ating sarili ang siyang pundasyon sa ating kalayaan mula noon hanggang ngayon napakasarap na maging malaya. Napakasarap maging Pilipino,” dagdag pa nito.