November 24, 2024

RIDER KULONG SA P240K MARIJUANA SA CALOOCAN

Isinelda ang isang rider matapos makuhanan ng mahigit P.2 milyon halaga ng marijuana makaraang tangkain takbuhan ang mga pulis na sumita sa kanya dahil walang suot na helmet habang sakay ng isang motorsiklo sa Caloocan City.

Kinilala ni Caloocan police chief Col. Samuel Mina Jr, ang naarestong suspek bilang si Chester Fortades, 30 ng Baesa ng lungsod.

Ayon kay Col. Mina, habang nagsasagawa ng “Oplan Sita” ang mga tauhan ng Caloocan Police Sub-Station 5 sa kahabaan ng North Diversion Road, Brgy., 151, Caloocan City dakong alas-12:35 ng madaling araw nang parahin nila ang suspek dahil walang suot na helmet habang sakay ng isang Yamaha Mio Sporty.

Gayunman, sinubukan ng suspek na takbuhan ang mga pulis na naging dahilan upang habulin siya hanggang sa makorner at maaresto.

Nang suriin ang compartment ng kanyang motorsiklo, tumambad sa mga pulis ang dalawang transparent plastic sealed brick ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana na nakabalot sa tela sa loob ng paper bag na may Standard Drug Price (SDP) na P240, 000.00. Pinuri ni Northern Police District (NPD) Director PBGEN Ulysses Cruz ang Caloocan Police sa ilalim ng pamumuno ni Col. Mina dahil sa pagkadakip sa suspek at pagkakakumpiska sa ilegal na droga.