November 24, 2024

3 bebot na nagbebenta ng droga, dinakma

ARESTADO ang tatlong bebot na tulak umano ng ilegal na droga matapos makuhanan ng nasa P183,600 halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Malabon City, Biyernes ng madaling araw.

          Kinilala ni Malabon police chief Col. Jessie Tamayao ang naarestong mga suspek na si Merian Faustino, 35, ng No. 47 Naghasang Nayon, Novaliches, Quezon City, Niña Morato alyas Boneng, 39, ng Blk 12 A, Lot 39, Phase 2 Area 3, Brgy., Longos Malabon City, at Analyn Geraldo alyas Len-Len, 38, ng No. 1435 DM Compound, Heroes Del 96, Brgy., 73, Caloocan City.

          Ayon kay Col. Tamayao, bandang alas-4:40 ng madaling araw nang isagawa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Capt. Venchito Cerillo ang buy-bust operation kontra sa mga suspek sa Langaray St. corner Hasa-Hasa St. Brgy. Longos, Malabon City.

          Isang undercover police ang nagawang makipagtransaksyon sa mga suspek para makabili ng isang sachet ng shabu na nagkakahalaga sa P500.

          Matapos iabot ng mga suspek ang sachet ng shabu sa nagpanggap na buyer kapalit ng markadong salapi ay agad silang inaresto ng mga operatiba.

          Nakuha sa mga suspek ang 17 plastic sachets na naglalaman ng 27 gramo ng shabu na tinatayang nasa P183,600 ang halaga at buy-bust money.