November 24, 2024

P750/DAY NCR WAGE GIIT NG LABOR GROUP

Nagsagawa ng kilos-protesta ang isang alyansa ng mga unyon ng manggagawa sa harap ng tanggapan ng National Capital Region wage board upang igiit ang pag-apruba sa kanilang petisyon para sa P750 minimum salary.

Sa isang Facebook post, nagpadala ng liham ang mga kinatawan ng Unity for Wage Increase Now! (UWIN) sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board – NCR na humihimok upang aksyunan ang kanilang isinumiteng petisyon noon pang November 2019.

“Ito ay habang nagsasagawa ng protesta ang mga kasaping unyon at organisasyon ng UWIN sa labas ng tanggapan ng wage board,” ayon sa grupo.

Ipinunto ni UWIN spokesperson Charlie Arevalo na 1,205 na araw na ang lumipas mula nang itaas ang minimum wage sa NCR sa P537. Bumaba raw ng P100 ang tunay na halaga ng nasabing amount dahil sa inflation.

“Papatong pa ang sobra-sobrang buwis na ipinapataw ng gobyerno sa mga manggagawa at konsyumer, dagdag pa niya.

Sinabi ni Arevalo na dapat harapin ng board ang kanilang petisyon kung isasaalang-alang ang serye ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo at ang pagtaas ng singil sa kuryente.

Binubuo ang UWIN ng 11 NCR-based worker unions at limang labor organizations.

Noong Miyerkoles, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na inatasan niya ang Regional Tripartite Wages and Productivity Boards sa buong bansa na bilisan ang pagrepaso sa minimum wages.

Inamin ni Bello na hindi na sapat ang  P537 daily minimum wage sa NCR para mabayaran ang mga pangunahing bilihin tulad ng pagkain, bills sa kuryente at tubig.

Nagpahayag din ng suporta ang Malacañang sa naging kautusan ni Bello na i-review ang minimum wage sa bansa.