November 2, 2024

HIGIT P1 BILYON SHABU NASABAT NG PDEA SA VALENZUELA, 2 TIMBOG


UMABOT sa mahigit P1 bilyon halaga ng shabu ang nasabat ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa dalawang drug suspects, kabilang ang isang Chinese national matapos maaresto sa isinagawang buy-bust operation sa Valenzuela City, Martes ng hapon.

Kinilala ni PDEA Director General Undersecretary Wilkins Villanueva ang naarestong mga suspek na sina Tianzhu Lyu ng Fujian China at Meliza Villanueva ng Concepcion Tarlac.

Ayon kay Dir. Gen. Villanueva, dakong alas-3:30 ng hapon nang isagawa ng pinagsamang mga tauhan ng PDEA Intelligence Service (PDEA-IS), PDEA Regional Office – National Capital Region (PDEA RO-NCR), PDEA Regional Office -3 (PDEA RO-3) PDEA Special Enforcement (SES), Armed Forces Of the Philippines, National Intelligence Coordinating Agency (NICA), Bureau of Customs (BOC), PNP PDEG IFLD, PNP RO3, Valenzuela Police Station, at Valenzuela ALERT Center ang buy bust operation sa J.P. Rizal St., Arty Subdivision, Brgy., Karuhatan na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.

Nakumpiska ng mga operatiba ng PDEA sa mga suspek ang tinatayang nasa 160 kilograms ng hinihinalang shabu na nasa P1.088 bilyon pesos ang halaga, buy bust money at tatlong mobile phones.

Ani Villanueva, ang lugar na iyon ang posibleng source ng mga nahuhuli nila nitong mga nakaraang araw sa Cavite, Bulacan, Cebu at Escalante City, Negros Occidental.

Bahagi umano ito ng transnational drug syndicate na tinatawag na “The Company” ani Villanueva. “The company is operating in South East Asia and ang source nito ay galing sa golden triangle,” dagdag niya.

Sa kabuuan, umaabot sa 231.2 kilograms ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P1.57 bilyon ang halaga ang nasamsam sa naturang mga anti-drug operation.

Kakasuhan ang mga naarestong suspek ng paglabag sa Sec. 5 &11 of Art. II of RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Pinuri naman ni Mayor Rex Gatchalian ang PDEA sa kanilang matagumpay na drug buy-bust operation na nagresulta sa pagkakaaresto nitong Chinese national na nagdala ng ilegal na droga sa lungsod.

 “The city government of Valenzuela has assured that its drive against prohibited drugs will continue, and maintain its close coordination with the Valenzuela police and authorities” ani Mayor Rex.

Sa tulong at partisipasyon ng pamunuan ng Barangay Karuhatan sa pamumuno ni Kap. Martell Soledad at Ex-O Ugto Ignacio natunton ng PDEA at ng mga awtoridad ang kinaroonan ng mga suspek.