November 3, 2024

KOREANO NA WANTED SA ILLEGAL GAMBLING, NAHARANG SA NAIA

Nahuli ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang South Korean fugitive na wanted sa mga awtoridad sa Seoul dahil sa pagkakasangkot sa illegal gambling.

Sa ipinadalang report kay Immigration Commissioner Jaime Morente, kinilala ni BI port operations chief Atty. Carlos Capulong ang 31-anyos na pasahero na si Lee Taeyang, na nahuli noong Biyernes matapos tangkaing umalis sa pamamagitan ng flight ng Philippine Airlines papuntang Phnom Penh, Cambodia.

Dinala si Lee sa BI detention facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang nakabinbin ang deportasyon, ayon kay Capulong.

Ihinayag ni Capulong na subject ang naturang pasahero ng isang warrant of arrest na inisyu ng South Korean court at ng red notice mula sa Interpol.

Ibinunyag ng tanggapan ng Interpol sa Maynila na si Lee at kanyang mga kasamahan ay naglagay ng iba’t ibang gambling sites sa Internet.

Ang nasabing mga site, na na-set up sa pagitan ng Disyembre 2018 at Enero 2019, ay umano’y nagbigay-daan sa mga bettors na pumusta sa mga resulta ng iba’t ibang dayuhan at domestic na kompetisyon sa palakasan, tulad ng soccer, volleyball at baseball.

Para makapusta, kailangan ng mga mananaya na magdeposito ng kanilang pera sa mga bank account ng sindikato kung sila kumita ng nagkakahalaga ng higit sa 4 bilyong won o humigit-kumulang US$33.6 milyon.

Inilabas ang arrest warrant kay Lee ng Cheonglu district court noong Disyembre 17, 2020 matapos siyang kasuhan dahil sa paglabag sa national sports promotion act ng kanyang bansa.