November 24, 2024

Hindi sumipot sa meeting, Mayor Tiangco dismayado sa DSWD

Nagpahayag ng kanyang pagka-dismaya si Navotas City Mayor Toby Tiangco matapos hindi sumipot ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) NCR sa nakatakda nilang meeting noong February 9, 2022.

Ayon kay Mayor Tiangco, noong Sabado, February 5, 2022 ay may nag-attend sa kanilang live na taga DSWD-NCR subalit hindi naman aniya masasagot ang kanyang mga tanong.

Dahil dito, sumulat siya sa DWSD noong February 7, 2022 upang mag-meeting sila ng 1:30PM via zoom para masagot ang mga tanong hinggil sa payout ng mga indibidwal na kuwalipikadong makatanggap ng SAP.

Aniya, una, kailan ang payout ng 640 individuals na qualified makatanggap ng SAP 2nd tranche ayon sa validation noong 21 December 2021.

Pangalawa, kailan ang payout ng 152 individuals na qualified makatanggap ng SAP 2nd tranche ayon sa validation noong 22 December 2021.

Pangatlo, kailan ang validation ng mga claims ng natitirang 1,326 individuals na nakausap ng DSWD NCR noong 23 December 2021, at pag na-validate na, kailan naman ang payout nila.

Pang-apat, kailan ang payout ng balanseng P3,000 sa 2,939 individuals na nauna nang makatanggap ng P5,000 tatlong buwan na ang nakaraan.

“Nakakadismaya po itong ahensyang ito dahil hindi sumagot sa sulat, wala kahit isang taong umattend. Sa totoo lang hindi ko malaman kung anong klaseng puso ang meron itong ahensyang ito”, pahayag ni Mayor Tiangco.

“Wala silang pagmamadali na maibigay agad yung ayudang utang nila sa tao ng mahigit na isang taon at kalahati–ayudang higit na kailangan ng mga mamamayan nating naghihirap dahil sa pandemya”, dagdag niya.

Humingi naman ng paumanhin ang alkalde sa kanyang mga kababayan Navoteño at sinabi na muli siyang sumulat sa DSWD para mag-request ng meeting uli at mag-update aniya siya pagnagkausap sila sa itinakdang meeting. (JUVY LUCERO)