November 2, 2024

Top 1 most wanted person ng Navotas, nasakote

Bumagsak na sa kamay ng mga awtoridad ang top 1 most wanted person ng Navotas City dahil sa kasong murder matapos itong maaresto nang muling bumalik sa kanilang lugar sa naturang lungsod makalipas ang 24 taong pagtatago sa batas.

Kinilala ni Navotas police chief Col. Dexter Ollaging ang naarestong akusado na si Rey Fareja, 52 ng Galicia St., Brgy., Bangkulasi.

Ayon kay Col. Ollaging, nakatanggap ng impormasyon mula sa kanilang impormante ang mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) na naispatan ang akusado sa kanilang lugar.

Kaagad bumuo ng team ang WSS sa pamumuno ni PCMS Normito Tapon sa ilalim deriktiba at pangangasiwa ni Col. Ollaging saka isinagawa ang manhunt operation na nagresulta sa pagkakaaresto kay Fareja dakong alas-2:15 ng hapon sa kahabaan ng Galicia Street.

Si Fareja ay dinakip sa bisa ng isang warrant of arrest na inisyu ni Hon. Benjamin T. Antonio, Judge ng RTC Branch 170, Malabon City, para sa kasong Murder.

Batay sa record ng pulisya, pinagtulungan ng akusado at kasama nito na pagtatagain ang isang Rodolfo Raquel na tinamaan sa leeg na nagresulta ng kamatayan ng biktima noong April 10, 1998 sa naturang lungsod.