November 24, 2024

BREAKING: QC Mayor Joy Belmonte, nagpositibo sa COVID-19

INAMIN ngayon ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na nagpositibo siya sa kinakatakutang coronavirus disease 2019 (COVID-19).

“Nais ko pong ipahayag sa lahat ng aking minamahal na QCitizens na ako po ay nag-positibo sa aking huling COVID-19 test,” sabi ng naturang alkalde.

“Nagpapasalamat at agad itong natuklasan.”

https://www.facebook.com/QCGov/photos/a.115185079869258/323048569082907

Maayos naman daw ang kalagayan niya sa ngayon at wala rin daw siyang nararamdaman ng anumang sintomas.

Pansamantala munang isasara ang office of the mayor sa Quezon City Hall kasama ang mga common areas ng gusali para ma-disinfect ito.

Batid naman daw ni Belmonte ang posibilidad na mahawaan siya ng virus dahil kailangan niyang dalawin nang personal ang health center, ospital, special concern lockdown areas at mga komunidad.

Halimbawa nito ay ang pagdalo ng naturang alkalde sa inilunsad na mobile community testing program ng siyudad noong Hunyo 29 na dinaluhan ng mga lokal na opisyales at media.

Sa kabila nito, kanyang tiniyak na magpapatuloy pa rin ang mga serbisyo ng siyudad habang sumasailalim siya sa quarantine.

“Mahigpit ko pong sinusundan lahat ng quarantine protocols ng ating Department of Health at sinimulan na din po ng QC Epidemiology and Surveillance Units (QC-ESU) ang contact tracing procedures,” kanyang pagpapatuloy.

Nangyari ang lahat ng ito kahit na sumailalim siya sa ibayong pag-iingat, pagsusuot ng facemask, paghuhugas ng kamay at physical distancing.