November 23, 2024

VM KAY MAYOR SOTTO: PURO PALABAS LANG


Binatikos ni Pasig City Vice Mayor Christian “Iyo: Caruncho Bernardo si Mayor Vico Sotto dahil sa umano’y pagdungis sa tatak ng serbisyo ng pamilya Caruncho sa isang flag ceremony.

Ayon kay Bernardo, isang palabas lang sa social media ang ginagawa ni Sotto.

Ikinumpara ng vice mayor si Sotto sa aktor na nakakuha ng credit sa pagsisikap ng ibang city government officials.

“Parang pelikula, ako kasama ang buong City Council, ang direktor at cameraman, hindi mabubuo ang pelikula na wala kami kung saan naman ang aktor ay siyang umaarte lamang para mabigyang buhay ang kwento, pero sila ang sumisikat, pinapalakpakan. Nakakalungkot na ang Pasig, naging isang pelikula na lamang, puro palabas,” ayon sa Bernardo sa isang video uploaded sa Facebook page na tinawag na Pasig Dapat Pasigueniyo.

Ang naturang page ay naglalarawan sa sarili bilang isang “political affiliation, itinataguyod na ang Pasig ay dapat pamunuan ni Pasigueniyo.”

“Kaya ako magsasalita ngayon ay para proteksyunan ang pangalang Caruncho na pilit mong dinudumihan. Noong nakaraang flag ceremony na sadya mong ginamit na lugar upang mangampanya sa pagkakasabi mo na tinext mo ako at nagconfirm sa pagdalo. Ito ang telepono ko, wala pong message or tawag si Mayor Vico Sotto,” ani ng vice mayor.

“Okay lang, itong parte na ito ay kaya kong palampasin kung ito lang ang sinabi mo. Pwedeng hindi na ako sumagot. Pero para sadyain mong palabasin na ako ay nasa air conditioned room lang at hindi nagtatrabaho, kailangan kong ipaalala sayo ang ambag ko at ng aking pamilya sa Pasig,” dagdag niya.

Tumatakbo si Bernardo sa pagka-mayor ng Pasig.

“Swerte” umano si Sotto na sumikat siya sa panaho ng social media, ani Bernardo. “Nakakalungkot. Ngayon, pilit na ginagamit ang internet [para] matabunan lahat ng pagkakamali at kakulangan sa serbisyo. Tama ang sinabi mo, okay lang mamuna, tama naman po ‘yun pero kung ito ay may pupunahin o paninira lamang. Mayor Vico, parang palabas sa TV, alam mo ang formula para mapansin, sumikat at mapag-usapan,” banggit niya.