November 25, 2024

DILG: Mga barangay captain na ‘di bakunado, mag-resign na!

Dapat lumayas sa puwesto ang mga hindi pa bakunado laban sa COVID-19 na kapitan ng barangay, ayon sa isang opisyal ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Lahad ni DILG Undersecretary for barangay affairs Martin Diño, nakakahiya umano ang mga ayaw pabakuna na opisyal ng barangay.

“Kung talagang hindi pa bakunado, puwede naman kayo mag-resign o kaya magleave kayo hangga’t di tapos ang COVID-19. Nakakahiya kayo. Biro ninyo, kayo magpapatupad ng batas tapos kayo pala ‘di bakunado?” saad ni Diño sa panayam sa Super Radyo dzBB.

Maari rin umanong arestuhin ang mga opisyal na ayaw pabakuna.

“Kahit kapitan ka, barangay ka, aarestuhin ka. Papaaresto ka ‘pagka halimbawa may ordinansa. Walang exemptions dito, walang exempted,” dagdag ni Diño.

“Kaya nga if ever may hindi bakunado, kung mayroong pang di pa bakunado ngayon. Kasi noon sabi ko magpabakuna kayo chairman tapos magpagawa kayo ng tarpaulin ipakita niyo roon habang binabakunahan kayo para kayo mag-set ng example sa barangay ninyo,” dagdag pa ni Diño.

Nauna rito, naglabas ng utos ang DILG sa mga lokal na opisyal na magsumite ng listahan ng mga hindi pa nabakunahan sa kanilang nasasakupan upang malimitahan ang paglabas ng mga residenteng hindi pa nababakunahan.