November 23, 2024

UTAK SA NOCOT BUS ATTACK, 3 KASABWAT TODAS SA ARMY OPS

Todas sa manhunt operation sa Carmen, North Cotabato ang apat na Islamic militants, kabilang ang umano’y mastermind sa nangyaring pambobomba sa isang bus na ikinamatay ng 5-anyos na batang lalaki at ikinasugat ng anim na pasahero.

Batay sa ulat, sinabi ni Army’s 6th Infantry Division commander Maj. Gen. Juvymax Uy, nagsagawa ng operasyon ang 602nd Infantry Brigade sa pangunguna ni Col. Jovencio Gonzales laban sa mga suspek na responsable sa pambobomba ng bus na pagmamay-ari ng Mindanao Star sa Barangay Upper Carmen, Aleosan noong Enero 11.

Ayon kay Uy, kinilala ang isa sa nasawing suspek na si Nordin Hassan, pinaniniwalaang mastermind sa bus attack na isinagawa ng terror group matapos tumanggi ang kompanya ng bus na magbigay ng extortion money.

Narekober ng tropa ng gobyerno ang ilang matataas na kalibre ng baril kabilang ang M-14 at M1 Garand riffles mula sa mga suspek.

Nakilala rin ang dalawa pang napatay na suspek na sina Abodonilah Hassan at Abdonhack Hassan na sinasabing miyembro ng local terror cell na pinamumunuan ni Horodin Hassan na nag-o-operate sa North Cotabato at kalapit na lugar sa Maguindanao province.

May kaugnayan umano ang local terror group sa ISIS extremist group na nagsisilbing financier ng local terror group para magsagawa ng terror attacks at kaguluhan sa Central Mindanao.