November 5, 2024

PAID ISOLATION AT QUARANTINE LEAVE BENEFIT, MALAKING TULONG SA MGA MANGGAGAWA, NEGOSYO – TCUP

Inanunsiyo ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) party-list na maglalabas ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng isang labor policy na parehong magbebenepisyo sa mga manggagawa at employer ngayong nagbabalik ang banta ng COVID-19.

Ang tinutukoy dito ni TUCP party-list Rep. Raymond Mendoza ay ang paid isolation at quarantine leave benefit na nakatakdang ilabas ni Labor Secretary Silvestre Bello III sa darating na linggo.

Sinabi ni Mendoza na ito ang pangako nina Bello at DOLE Undersecretary Benjo Benavidez sa ginanap na Zoom meeting noong Miyerkoles ng hapon sa gitna ng kamakailan lang na exponential surge ng bilang ng mga manggagawa sa lahat ng industriya na nalantad sa COVID-19 at kinakailangan na sumailalim sa isolation at quarantine para sa itinakdang bilang ng mga araw.

Ang TUCP ang humiling ng emergency dialogue meeting kay Bello.

sa ilalim ng naturang labor policy, hinihimok ang mga employers at business na bayaran ang buong panahon ng isolation at quarantine period ng kanilang mga empleyado na nagpositibo sa COVID-19.

Sa ilalim ng paid isolation and quarantine leave benefit, lahat ng exposed employees na naka-isolate o naka-home quarantine at nakaubos na ng kanilang leave benefits ay patuloy na makatatanggap ng kanilang sahod.

Nakikita ng TUCP na ito ang mabisang paraan upang mapanatiling buhay ang ekonomiya sa kabila ng biglaang pagbabalik ng mataas na banta ng nakamamatay na sakit.

Ani ni Mendoza, sa pamamagitan ng naturang benepisyo, mahihikayat ang mga empleyado na boluntaryong magpasailalim sa isolation at quarantine sa unang senyales ng sintomas.

Mas mapoprotektahan nito ang health and safety ng iba pang nagtatrabahong empleyado at magiging tuloy-tuloy ang operasyon ng mga negosyo.