November 2, 2024

3 arestado sa unang araw ng Comelec gun ban sa Caloocan, Navotas

Tatlong katao ang arestado ng pulisya sa unang araw ng pagpapatupad ng Commission on Election (Comelec) gun ban sa magkahiwalay na lugar sa Caloocan at Navotas Cities.

Ayon kay Caloocan police chief P/Col. Samuel Mina, nagsasagawa ang mga pulis sa pamumuno ni P/Lt. Gomer Mappala ng Comelec checkpoint sa kahabaan ng Rotonda Amparo Subdivision sa Brgy. 179 dakong alas-2:20 ng madaling araw nang parahin nila ang rider na si John Paul Dunlao, 23, dahil walang suot na helmet.

Nang hanapan si Dunlao ng driver’s license at certificate of registration (CR) ng minamanehong motorsiklo ay napansin ni P/Cpl. Marvin Raphael Prado ang isang cal. 38 revolver na kargado ng apat na bala sa loob ng kanyang belt bag nang buksan niya ito na naging dahilan upang arestuhin siya ng mga pulis.

Nauna rito, dakong ala-1 ng madaling araw, habang nagsasagawa din Comelec checkpoint ang pinagsamang mga tauhan ng Navotas Police Sub-Station 3, Special Weapon and Tactics (SWAT) team, Tactical Motorcycle Riding Unit (TMRU) at Intelligence Office sa pamumuno ni P/Lt. Luis Rufo, Jr. sa kahabaan ng C-4 Road, Brgy. Bagumbayan, North, Navotas City nang parahin nila ang isang tricycle dahil ang pasahero nito na nakaupo sa likod ng driver ay walang suot na face mask.

Nang bumaba ang suspek na kinilalang si Jerwin Gubaton, 39, ay aksidenteng nahulog mula sa maluwag niyang short pants ang isang cal. 38 revolver na kargado ng tatlong bala kaya’t inaresto sya ng mga pulis.

Samantala, nagsasagawa din ng Comelec checkpoint ang mga tauhan ng Sub-Station 2 sa pangungunan ni PCPT Eric Roxas sa kahabaan ng M. Naval St., Brgy. Daang-Hari nang lumapit sa kanila ang Brgy. Captain ng Daang-Hari na si Alvin Oliveros at humingi ng tulong hinggil sa isang lalaki na may bitbit na sumpak dahil nagdulot ng takot at kaguluhan sa mga residente sa lugar.

Nang respondehan, nakita ng mga pulis ang suspek na kinilalang si Conrado Mateo, 57, na naghahamon ng away habang iwinawasiwas ang hawak nitong sumpak na naging dahilan upang arestuhin siya at narekober sa kanya ang naturang improvised firearm na kargado ng isang 12-gauge na bala.

Nahaharap ang mga naaresto sa kasong paglabag sa R.A. 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Act at paglabag sa Omnibus Election Code.