November 24, 2024

Hiniwalayan ng GF, 18-anyos nagbigti

Dahil sa pagkasawi sa pag-ibig matapos umanong hiwalayan ng girlfriend, isang youth offender ang nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbigti sa sarili sa loob ng temporary shelter na para sa mga kabataan na may nakabinbing kaso sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.

Ang katawan ng 18-anyos na biktima ay nadiskubre ng 16-anyos na binatilyong youth offender din bandang alas-8:30 sa second floor ng Bahay Pag-asa Shelter sa Langaray St. Brgy. Longos.

Sa report ni police investigator P/SSgt. Jeric Tindugan kay Malabon police chief P/Col. Albert Barot, nagtungo ang saksi sa second floor ng shelter upang patayin ang ilaw nang makita nito ang katawan ng biktima na nakabigti gamit ang kumot na nakapulupot sa kanyang leeg at ang kabilang dulo ay nakatali naman sa beam ng kisame ng corridor ng shelter building.

Kaagad siyang humingi ng tulong kay Emil Felipe, 33, security guard ng facility saka mabilis na isinugod ang biktima sa Lorenzo Ruiz Women and Children Hospital sa Brgy. Santulan subalit, idineklara itong dead on arrival.

Sa isinagawang imbestigasyon, napag-alaman ng pulisya mula sa kanyang mga roommate at iba pang social workers ng shelter na kamakailan ay nagtangkang magpakamatay ang biktima sa pamamagitan ng pagtalon sa gusali subalit, napigilan ng iba pang Children in Conflict with the Law (CICL).

Narekober din ng pulisya ang cellular phone ng biktima na naglalaman ng mga mensahe naka-address sa kanyang ina at ipinapaalam ang tungkol sa kanyang pagpakamatay dahil sa homesickness at heartbroken matapos umanong hiwalayan ng kanyang girlfriend