November 24, 2024

GRAND CARAVAN NG BBM-SARA UNITEAM, UMARANGKADA SA QC

PHOTO COURTESY BY BENEDICT ABAYGAR JR

NILIGAWAN ngayong araw, Miyerkoles, Disyembre 8, ni presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at running mate nito na si Davao City Mayor Sara Duterte ang mga botante sa  Metro Manila sa pamamagitan ng isinagawang grand caravan sa Quezon City.

Pinuno ng mga tagasuporta ni Bongbong Marcos at Sara Duterte ang kahabaan ng Commonwealth Avenue at iba pang pangunahing lansangan sa naturang lungsod sa unang “grand caravan” ng dalawa.

Sinimulan ang motorcade sa kahabaan ng eastbound lane ng Commonwealth Avenue partikular sa harap ng Commission on Audit (COA) head office.

Halos sakupin na ng caravan, karamihan ay nilahukan ng libo-libong motorcycle riders, ang walong lanes ng northbound (Brgy. Commonwealth) at southbound (Brgy. Commonwealth hanggang Philcoa) ng Commonwealth Avenue habang dumadaan ang convoy.

Nagsimula ang aktibidad sa isang meet-and greet sa tapat ng Commission on Audit (COA) sa Commonwealth Avenue.

Ang caravan ay nag-U-turn sa kabahaan ng Fairview bago binagtas ang Commonwealth Avenue hanggang Quezon Avenue at natapos sa Welcome Rotonda.

“Ipagpapatuloy [natin] ang pagkakaisa ng Pilipinas. Ang boto ninyo para kay Marcos at Sara Duterte ay para sa pagkakaisa,” saad ni Marcos sa kanyang mga tagasuporta.

Humingi naman ng paumanhin si Quezon City mayoral aspirant at Anakalusugan Rep. Mike Defensor sa mga naapektuhan ng mabigat na daloy ng trapiko.

“Humihingi ako ng paumanhin sa matinding traffic dahil unexpected talaga ang turnout sa sobrang dami ng mga taong nakiisa. Lumabas talaga sa kalsada ang mga ordinaryong mamamayan. Nakakalungkot na hindi tayo pinayagan na gawin ang ating aktibidad sa loob ng Quezon Memorial Circle,” sabi ni Defensor.