January 23, 2025

PATULOY ANG ‘ART OF WAR’ NI PANGULONG DUTERTE SA 2022 NATIONAL ELECTION

Mistulang teleserye ang senaryo ng pre 2022 national election dahil sa peg ng mga kandidato. Lalo na sa mga presidential aspirants. May kanya-kanya silang liga ng mga supporters. Kanya-kanya ring diskarte para makuha ang pulso ng taumbayan.

Pero, ang mas sinusubaybayan ay ang patutsada ni Pangulong Duterte. Ewan, kung kakagat ang iba, siguradong mate na. Nilalaro kasi ni Pangulong Digong ang taktika gaya ng larong chess.

Kalaunan nga, lumalabas na tila inuupat nito si presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. May tinukoy siya na may kandidato na gumagamit umano ng cocaine.

Kanya naman, nagkaroon ng siste ang ilang kandidato. Naglabas sila ng mga certificate. Sa gayun ay beripikahin at patunayan na hindi sila gumagamit ng droga. Na rito ay mapapatunayan kung sino ang sabog na kandidato.

Naglabas ng certificate si BBM na negatibo siya sa nasabing sustansiya. Gayundin sina Sen. Manny Pacquiao. Nagpasa naman ng dokumento si Manila Mayor Isko Moreno na willing siyang sumailalim sa drug test.

Dito ay nahihila ng ni Pangulong Du30 ang candidates sa kanyang taktika. Ang tanong ng ilan, totoo bang magkabangga sila ni BBM? ‘O bahagi ito ng ‘mind games’ at ‘art of war’? Sa gayun ay hindi na gagawa ng habang ang iba para gawan ng ‘black propaganda’ si BBM?

Totoo rin bang may hidwaan sila ng kanyang anak na si VP candidate Sara Duterte-Carpio? Si Sen. Bong Go nga kaya ang talagang manok niya? ‘O panlito lang ito?

Ika nga ng iba, papaano babanggain ni Pangulong Digong ang mga Marcos? ‘E magkaibigan ang pamilyang ito. Na kung tutuusin, malaki ang naitulong ng mga ‘Marcos loyalist’ para maluklok sa posisyon niya si Digong noong 2016.

Sa politika, kailangang marami kang piyesa at alas na baraha. Dapat hawak-hawak mo ito hangga’t di pa dumarating ang eleksyon. At higit sa lahat, hanggang di pa naipoproklama ang nanalo. Para sa nakauunawang supporters, alam nila ang laro ni Pangulong Digong.