December 24, 2024

Robredo humingi ng paumanhin sa drug war victims ‘HINDI KO NAPIGILAN MGA PATAYAN’

Humingi ng paumanhin si Vice President Leni Robredo sa mga pamilya ng biktima ng giyera kontra droga.

Ayon sa vice president, may pananagutan din siya bilang ikalawa sa may pinakamataas na posisyon sa bansa dahil sa hindi nito napigilan ang mga patayan sa anti-drug campaign ng pamahalaan.

Hinukay at na-cremate na kamakailan ang mga labi ng ilang drug war victims matapos mag-expire ang limang taon sa upa sa lupa sa libingan. Dumalo si Robredo sa turnover ng mga abo, at nangako na mabigyan ng katarungan ang pagkamatay ng mga biktima ng giyera kontra droga.

“Ang iba sa inyo, nakasalamuha ko na… Ang iba sa inyo, may kaunting tulong na naibigay ang aming opisina. Pero hihingi pa din ako sa inyo ng paumanhin dahil ako Pangalawang Pangulo, pero hindi ko… hindi ko nahinto iyong patayan na nangyari,” sambit ni Robredo.

“Kasalanan din iyon ng lahat ng nasa pamahalaan na nangyari siya—na nangyari siya habang kami ay nanunungkulan. Ang pinakatulong siguro na mabibigay namin sa inyo, siguruhin na mabigyan ng katarungan iyong pagkamatay ng mga mahal n’yo sa buhay at siguruhin na iyong mga naiwan kahit paano ay may nasasandalan,” dagdag niya.