November 24, 2024

NAVOTAS MAY PINAKAMABABANG KASO NG COVID-19

MASAYANG inanunsyo ni Mayor Toby Tiangco ang ulat na ang Lungsod ng Navotas ay nakapagtala ng pinakamababang record ng kaso ng COVID-19 sa buong Metro Manila.

Base sa huling inilabas na ulat ng Octa Research, Navotas ang may pinakamababang growth rate o bilis ng pagdami ng mga kaso (-66%), Average Daily Attack Rate (ADAR) o bilang ng mga bagong kaso bawat araw (15.89%) at reproduction number o bilang ng nahahawa bawat positibong kaso (0.57).

Dahil dito, binati ng alkalde ang lahat ng mga Navoteño at nagpapasalamat sa pakikiisa at pakikipagtulungan ng mga ito para mapababa ang mga kaso ng COVID-19 at kahit paano aniya ay makahihinga na ang lahat nang maluwag.

Gayunman, patuloy ang paalala ni Mayor Tiangco na huwag magpakampante at panatilihing maingat at sumunod sa mga health protocol para maiwasan ang nakakamatay na virus.

“Wag po nating hayaang masayang ang ating mga sakripisyo. Makababalik lang tayo sa normal nating buhay at matatapos ang ating mga paghihirap kung wala ng hawaan at nagkakasakit”, aniya.

Muling hinimok ng alkalde na magpabakuna na ang mga hindi pa nababakunahan ng sa gayon ay may proteksyon hindi lamang sa sarili kundi maging sa mga mahal sa buhay at ibang tao na makakasalamuha. (JUVY LUCERO)