November 24, 2024

P550M COVID-19 TEST KITS NA BINILI NG DOH, PS-DBM SA PHARMALLY, NAG-EXPIRE LANG

Umabot sa halos 8,000 na COVID-19 test kits na binili ng Department of Health (DOH) at Procurement Service of the Department of Budget and Management (PS-DBM) sa Pharmally Pharmaceutical Corporations ang nasayang dahil nag-expire na agad.

“I confirm that 7,925 test kits expired,” saad ni DOH Assistant Secretary Nestor Santiago kay Senator Francis Pangilinan sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ukol sa pagbili ng hinihinalang overpriced pandemic supplies ng gobyerno sa kompanyang Pharmally.

Sa nabanggit na test kits ay mahigit 371,000 ang COVID-19 tests na pwedeng maisagawa.

Dahil dito ay labis ang panghihinayang ni Pangilinan dahil parang nagsunog lang ng pera ang pamahalaan sa gitna ng napakaraming namamatay dahil COVID-19.

“And in the middle of a situation where we were not testing enough… para tayong nagsusunog ng pera sa gitna ng napakaraming namamatay,”sambit ni Pangilinan.

Ibinenta ng Pharmally ang BGI real time Fluorescent RT-PCR test kits sa halagang P69,500 bawat kit. Gamit ang halagang iyon, kinalkula ni Pangilinan na umabot sa P550 milyon na pondo ng taxpayers ang nasayang sa expired na test kits.

Hindi rin matanggap ni Pangilinan ang ikinatwiran ni Health Secretary Francisco Duque na ang nasayang na test kits ay 3.6 percent lamang ng total costs ng testing.

“Is that acceptable to you?” tanong ni Pangilinan.

“No, it’s not acceptable,” tugon naman ni Duque.

Nabatid sa pagdinig na agad nasira o nag-expire ang mga test kits na idineliver ng Pharmally dahil anim na buwan lang ang shelf life sa halip na 24 hanggang 35 months.

Paliwanag naman ni Duque, hanggang 6 months lang talaga ang shelf life na ginagawa ng mga manufacturers dahil wala pang linaw noon kung ano ang magiging takbo ng sitwasyon na dulot ng COVID-19.