November 24, 2024

DOKTORA NA DATING TUMAKBONG MAYOR NIRATRAT, PATAY (Pinaiimbestigahan ng PNP Chief)

Nagbigay na ng utos si Philippine National Police (PNP) chief Police General Guillermo Lorenzo Eleazar sa lokal na pulisya na magsagawa ng malalimang imbestigasyon tungkol sa nangyaring pamamaslang sa isang dating kandidato sa pagka-alkalde sa lalawigan ng Abra.

Ayon sa mga awtoridad, binaril hanggang sa mapatay sa loob mismo ng kanilang bahay ang biktimang si Amor Trina Dait na isang resident doctor ng La Paz District Hospital sa Barangay Poblacion sa bayan ng Pilar noong gabi ng Sabado.

Dati na umanong kumandidato bilang mayor sa kanilang bayan si Dra. Darit noong 2019.

Nangako din si PGen Eleazar na titingnan nila ang lahat ng anggulo para matukoy kung sino ang mga nasa likod ng pagpatay at kung ano ang kanilang motibo.

“Nagpalabas na ako ng kautusan sa RD, PRO-CAR na bumuo ng isang Special Investigation Task Group upang mapabilis ang imbestigasyon sa kasong ito in the interest of truth and justice,” ayon kay Eleazar.

“On behalf of the men and women of the PNP, ipinapaabot ko ang taus-pusong pakikiramay sa medical community at sa pamilya ni Dr. Amor Trina Dait. Tinitiyak ko sa inyo na personal kong tututokan ang kasong ito,” dagdag niya.

Sinabi pa ni PGen Eleazar na inatasan din ang lokal na pulisya na makipag-ugnayan sa pamilya ng biktima para masilip kung nakatanggap ba ng mga pagbabanta sa kaniyang buhay si Dr. Dait bago ang krimen at upang malaman din kung mayroon bang may personal sa galit sa kaniya.

Panawagan rin ng PNP Chief sa mga kapitbahay ng biktima na dumulog sa mga awtoridad kung mayroon silang nalalaman sa insidente o sa mga suspek.

Mula pa noong isang buwan, ipinag-utos na ni PGen Eleazar sa lahat ng police commanders na simulan na ang mga paghahandang pangseguridad para sa nalalapit na halalan na gaganapin sa susunod na taon. (KOI HIPOLITO)