November 24, 2024

KAMPANYA KONTRA LOOSE FIREARMS, PINAIGTING NG PNP

IPINAG-UTOS ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Lorenzo T. Eleazar, noong araw ng Linggo sa mga chief of police at sa iba pang mga area commanders na paigtingin pa lalo nila ang kampanya laban sa mga loose firearms o mga hindi lisensyadong mga baril sa buong bansa.

Sinabi ni PGen. Eleazar, na ang kampaya laban sa mga loose firearms ay magiging daan din para habolin at lansagin ang mga Private Armed Groups, para na rin huwag magamit ang mga ganitong grupo at ang mga iligal na baril bilang instrumento ng paghahasik ng karahasan sa nalalapit na national at local elections sa susunod na taon.

“I have already instructed all our chiefs of police and area commanders to intensify the accounting of loose firearms as part of our early preparation for the peaceful, honest and orderly conduct of elections next year,” ayon pa sa PNP Chief.

“Kasama dito ang maigting na operasyon laban sa mga gun-running syndicates at ang mga baril na matagal nang hindi nare-renew dahil maari itong gamitin na instrumento ng karahasan upang ma-impluwensiyahan ang resulta ng Halalan 2022′,” dagdag pa ng opisyal.

Binanggit din niya na bahagi ng nasabing kampanya ay para ma-engganyo din ang mga gun owners na meron expired na mga lisensya ng kanilang mga baril na muling magparehistro ng dokumento ng mga baril.

Ipinaliwanag din ni PGen Eleazar, na ang maaga nilang paghahanda sa nalalapit na eleksyon ay para na rin mapigilan ang mga banta ng mga grupo na gumamit ng masamang impluwensya sa mangyayaring botohan lalo na sa mga probinsya.

Ipinunto rin ng pinuno ng pambansang pulisya na ang PNP intelligence community ay kasakukuyang bina-validate ang mga report tungkol sa mga loose firearms, lalo na yon mga pagmamay-ari ng criminal syndicates, communist rebel group at iba pang mga malalaking grupo na banta sa seguridad ng ating bansa.

Sa datos ng hawak ngayon ng PNP ay meron 664, 800 firearms ang pagmamay-ari ng mga private individuals na meron mga expired na lisensya base sa tala nitong nakalipas na anim na buwan ngayon taon.

Kabilang sa mga babantayan ng PNP na election violences ay ang mga assasination na gagawin ng magkakalaban sa eleksyon at sa mga supporters ng mga kandidato at mga pananakot.

 “Lahat tayo ay nagnanais na magkaroon ng tahimik at tapat na halalan sa susunod na taon subalit ito ay isang adhikain na nangangailangan ng kooperasyon ng COMELEC, ng mga pulis at ng sambayanang Filipino,” pagtatapos ni Eleazar.  (KOI HIPOLITO)