November 23, 2024

MODERNA APRUB NA PARA SA MGA BAGETS


Tumanggap na ng second dose ng Moderna vaccine ang ilang residente laban sa Covid-19 sa Ramon Magsaysay High School sa Espana sa Sampaloc Maynila, kung saan maari na itong gamitin at ibakuna sa mga minor na may edad na 12 hanggang 17 matapos aprubahan ng Food and Drug Administration Philippines.  (JHUNE MABANAG)


Inaprubahan na ng gobyerno ng Pilipnas ang pagbabakuna sa mga 12 hanggang 17 anyos gamit ang Moderna vaccine.

Biyernes, September 3, nang inianunsyo ni Food and Drugs Administration Director General Eric Domingo na inamyendahan nila ang ibinigay na Emergency Use Authorization (EUA) sa Moderna COVID-19 vaccine kung saan isinasama na sa mga pwedeng mabakunahan ang 12-17 anyos.

Nagsumite ang Moderna ng mga dokumento at clinical data sa FDA nitong August 29 para palawakin ang paggamit ng kanilang COVID-19 vaccine sa mga may edad na 12-17 anyos.

“After a thorough evaluation by our vaccine experts and our regulatory experts in FDA, we approved this Friday the use under EUA of the Moderna vaccine for adolescents aged 12 to 17,” pahayag ni Domingo sa Laging Handa public briefing.

Paliwanag naman ni Domingo na ang mga dumating na Moderna doses ay hindi kabilang sa batches na iniimbestigahan dahil sa kontaminasyon na naiulat sa Japan kung saan nakitaan ng steel particles.

Dahil dito, pinayuhan ni Domingo ang mga vaccinator na maingat suriin ang mga vials bago gamitin.

Umabot na sa 17.53% ng populasyon ang nakatanggap ng first dose habang nasa 12.51% naman ang nakakumpleto na ng bakuna mula nang magsimula ang vaccine roll out noong March 1.