Handang tumakbo sa 2022 presidential elections si Sen. Manny Pacquiao kahit independent candidate sakaling paboran ng Commission on Elections (Comelec) ang paksyon ni Energy Secretary Alfonso Cusi bilang lehitimong lider ng partido.
“Ready po siya. Ganiyan po katibay ang prinsipyo ni Sen. Manny Pacquiao,” sabi ni PDP-Laban Pacquiao wing Executive Director Ron Munsayac.
“Napakarami pong partido na willing sumuporta kay Sen. Manny Pacquiao… pero kinaklaro po namin na hindi sasapi si Sen. Manny sa ibang partido,” paliwanag pa niya.
Ang dalawang paksyon sa PDP-Laban ay naghain na ng magkahiwalay na Sworn Information Update Statements (SIUS) sa Comelec nitong Agosto. Kung sino ang kikilalanin ng poll body, ito lamang ang may karapatan na mag-isyu ng Certificates of Nomination and Acceptance (CONA) para mabitbit ng isang kandidato ang pangalan ng PDP-Laban sa pagtakbo sa darating na halalan.
Nitong Linggo lamang ay sinipa ng PDP-Laban Pacquiao wing si Pangulong Rodrigo Duterte bilang chairman ng partido at iniluklok si Sen. Aquilino ‘Koko’ Pimentel III, anak ng founder ng partido na si dating Senate President Aquilino ‘Nene’ Pimentel Jr.
Inaasahang ilalabas ng Comelec ang desisyon bago magsimula ang paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) sa Oktubre ng mga tatakbo sa 2022 halalan.
More Stories
AYUDA HINDI NAGAGAMIT SA POLITIKA – DSWD CHIEF
VP SARA IPATUTUMBA MGA MARCOS (PSC nakaalerto)
INA, ANAK NA MAY KAPANSANAN PINAGPAPALO SA ULO NG DRUG ADDICT, PATAY