November 24, 2024

NUEZCA HINATULAN NG DOUBLE LIFE IMPRISONMENT (Eleazar: Justice is finally served)

Nagpaabot ng pagbati si Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Lorenzo T. Eleazar sa pamilya Gregorio, matapos na mahatulan ang suspek na si Police Staff Sargeant Jonel Nuezca ng korte sa Paniqui Tarlac Regional Trial Court Branch 106 sa Sala ni Hon. Judge Stella Marie Asuncion ng Double Life Sentence o Reclusion Perpetua na may katumbas na parusang 40 taon na pagkabilanggo sa bawat kaso at pinagbabayad din si  Nuezca ng halagang P952,560.00. para sa danyos.

Matatandaan na nakuhanan pa ng video ang suspek na pulis na bumaril at nakapatay sa mga biktimang sina Frank Anthony Gregorio at sa ina nitong si Sonia Gregorio noon December 20, 2020 dahil lamang sa “boga” explosion at right of way sa kanilang lugar sa Tarlac na nag-viral din sa social media.

Ayon pa kay PGen. Eleazar “Nauunawaan namin ang pakiramdam ng pamilya Gregorio na ang parusang iginawad ng hukuman sa kanya ay hindi sapat sa bayolenteng pagkawala ng buhay ng kanilang dalawang kaanak. Ngunit naipakita dito na umiiral ang hustisya sa ating bansa at kailanman ay hindi kinukunsinti ng inyong Philippine National Police ang mga ganitong uri ng pulis”.

Samantala isa pang pulis na suspek din sa pamamaril na si Police Sargeant Hensie Zinampan na nagviral din sa social media ang nililitis sa korte hanggang sa ngayon dahil sa wala rin awa nitong pagpatay sa biktimang si Lilybeth Valdez  , nuon June 2021  sa Quezon City.

Dagdag pa ng PNP Chief na ang mga kaso nina Nuezca at Zinampan ay magsisilbing aral sa kanila at dapat malaman at palagiang tandaan ng mga pulis na sila ay mga tagapag-tanggol ng mga Mamamayan at hindi dapat sila maging abusado.

Sa huli sinabi ni PGen. Eleazar na nakikiramay ang buong hanay ng Philippine National Police sa Pamilya Gregorio at Valdez na kapwa naging biktima ng mga abusadong pulis.(KOI HIPOLITO)