November 24, 2024

TINANGGAL NA MGA PULIS, ‘DI NA MAKABABALIK SA SERBISYO– ELEAZAR

INATASAN ni Philippine National Police (PNP) Chief Police, General Guillermo Lorenzo T. Eleazar, ang Directorate for Personnel and Records (DPRM) na gumawa ng database para sa mga police personel na tinanggal sa kanilang mga serbisyo at lahat umano ng mga ipinapatupad na order for motion for reconsideration ng mga dismiss na pulis ay agaran ng resolbahin.

Sinabi ito ni PGen. Eleazar, na ang ganitong aksyon ay para maiwasan ang reinstatement o makabalik pa sa serbisyo ang mga tiwaling pulis sa PNP na tinanggal.

Pahayag pa ng PNP Chief “Inatasan ko na ang Director, DPRM, na gumawa ng database ng lahat ng mga na-dismiss na pulis at agarang iresolba ang kanilang mga Motions for Reconsideration (MR) upang maagap nating maharang ang anumang pagtatangka nilang makabalik sa serbisyo.”

Dagdag pa niya “Makikipag-ugnayan tayo sa National Police Commission para mapadali ang resolusyon ng mga appealed administrative cases at tuluyan nang matanggal sa serbisyo ang mga napatunayang tiwali at abusado.”

Ipinunto din ni PGen. Eleazar, na kailangan maging mapagmatiyag at higpitan pa nila ang pagbabantay para huwag ng makabalik sa serbisyo ang mga tiwali at pasaway na pulis na meron mabibigat na kaso.

Inutosan na din umano niya ang Legal Service para i-review ang administrative rules and regulations para mapalakas pa ang pagpigil sa pagbabalik sa serbisyo ng mga tinanggal na pulis o rogue cops.

 Pagtatapos ni PGen. Eleazar, “Inatasan ko na din ang ating Legal Service na pag-aralan kung ano ang maaring baguhin o idagdag sa aming rules and regulations para tuluyang isara ang pintuan sa pagbabalik sa serbisyo ng mga natanggal na bugok na pulis, lalo na ang mga sangkot sa paggamit ng iligal na droga.”

Matatandaan na simula ng maupo sa pwesto bilang PNP Chief si Eleazar, ay ipinangako nito na lilinisin niya ang hanay ng pulisya laban sa mga police scalawags, bilang pagpapatupad sa kanyang kampanyang Intensified Cleanliness Policy o ICP. (KOI HIPOLITO)