September 20, 2024

Driver tulog sa sapak ng helper

Tulog ang isang 42-anyos na driver matapos masapul ng isang pamatay na suntok mula sa mas batang kanyang nakasuntukan sa Malabon City, kamakalawa ng hapon.

Si Darwin Domingo ng 58 Custodio St. Brgy. Santulan ay isinugod sa San Lorenzo Ruiz Hospital kung saan nilapatan ng lunas ang tinamo niyang injury sa ulo at katawan.

Kaagad namang ipinag-utos ni Malabon Police Sub-Station 3 commander P/Maj. Carlos Cosme sa kanyang mga tauhan ang follow-up operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek na si James Rodney Marquez, 24, helper ng 847 Gulayan, Brgy. Catmon.

Sa report ni P/SSgt. Michael Oben kay Malabon Police Chief P/Col. Albert Barot, dakong alas-2:30 hapon nang magkaroon ng komprontasyon ang biktima at ang suspek sa Alley 1, Templora St., Brgy. Santulan sa hindi malaman na dahilan.

Sa kainitan ng pagtatalo, nauwi ang dalawa sa suntukan subalit habang nagpapalitan ng suntok ay nasapul ang biktima ng isang pamatay na suntok ng suspek na naging dahilan upang bumagsak ito. Iprinisinta ang suspek sa inquest proceedings sa Malabon City Prosecutor’s Office para sa kasong serious physical injury.