November 24, 2024

LAMBDA VARIANTS PUMASOK NA SA BANSA (Eleazar hinikayat ang publiko na panatilihing sumunod sa mga health and safety protocols)

HINIHIKAYAT ni Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Guillermo Lorenzo T Eleazar ang publiko na palagiang sundin anp mga health and safety protocols hinggil sa pagkakatuklas sa Covid-19 Lambda variant sa Pilipinas.

Nauna rito, sinabi ng Department of Health (DOH) na isang 35 taong gulang na babae ang gumaling na sa sakit ang natuklasan na unang kaso ng Lambda variant sa Pilipinas.

Dahil dito, nanawagan si  PGen Eleazar sa publiko na mahigpit na sundin ang minimum public health safety standards at quarantine protocols dahil ayon sa mga eksperto ay mas mapaminsala at vaccine resistant ang naturang variant.

Ganun pa man ay sinabi ni PGen Eleazar na marami pa rin ang ipinagwawalang bahala ang minimum public health safety at iba pang quarantine protocols.

“Nakakalungkot na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 at sa kabila ng paulit-ulit nating pakiusap at babala, patuloy din na tumataas ang bilang nga mga violators na aming nahuhuli lalo na sa Metro Manila at sa apat na karatig na probinsya nito,” ani ni PGen Eleazar.

Dagdag pa niya na “Subalit hindi susuko ang inyong PNP sa pagpapatupad ng mga quarantine protocols dahil isa ito sa nakikita naming epektibong paraan upang kontrolin ang paglaganap ng kahit anumang variant ng COVID-19. Ipinapaubaya namin sa IATF ang anumang mga karagdagang aksyon na ipapatupad ng inyong PNP lalo na at merong na ring kumpirmasyon ng Lambda variant sa ating bansa,”.

Dahil sa pangyayari ay inatasan na rin ni PGen Eleazar ang lahat ng mga tanggapan at yunit ng pulisya na bantayang maigi ang iba pang mga pangyayari hinggil sa pagkakatukoy ng Lambda variant sa bansa.

Samantala sinabi rin ng PNP Chief na magpapatuloy at mahigpit pa rin na ipatutupad ng mga pulis ang quarantine protocols upang makatulong sa pagpapababa ng mga kaso ng nakamamatay na coronavirus.

“Nariyan pa din ang Delta at iba pang variants na maaari nating makuha kung hindi tayo mag-iingat. Sa ngayon, magpapatuloy ang PNP sa pagpapatupad ng mga guidelines sa ilalim ng quarantine classifications na mayroon tayo,” ayon kay PGen Eleazar.

Sa huli sinabi ng PNP Chief, “We will not give up in protecting the lives of the Filipino people at the expense of our own safety because there are still a greater number of responsible and law-abiding people who bank on their PNP as their line of defense, as their shield against the threat of the COVID-19,” (KOI HIPOLITO)