November 24, 2024

QC BUBUKSAN ANG KAUNA-UNAHANG ONLINE BIRTH REGISTRATION PORTAL SA BANSA

Bilang bahagi ng digitalization program ng public services ng siyudad, nakatakdang ilunsad ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang kauna-unahang online birth registration portal sa bansa ngayong taon.

Handog ng proyekto ang mas maginahawa at pinahusay na proseso ng birth registration, kung saan maaring ipadala ang requirements sa pamamagitan ng website at beberepekahin ng City Civil Registry Department (CCRD).

“Tulad ng business at occupational permits natin na pwedeng mag-apply online, bubuksan na rin natin itong online portal for birth registration para ma-address natin ‘yung problema natin sa mga late at unregistered birth registration sa lungsod,” saad ni Mayor Joy Belmonte.

“Karapatan ng mga bata ang mabigyan ng pangalan at pagkakakilanlan sa pamamagitan ng birth registration. Through this initiative, pwede nang mai-submit ang requirements at mai-check online para hindi na magpabalik-balik pa sa city hall. Hopefully, we can have the portal up and running before the year ends,” paliwanag pa ni Mayor Belmonte.

Ayon kay City Civil Registar Salvador Cariño Jr., kasalukuyan na silang nakikipag-ugnayan sa City Administrator’s Office at Information Technology Development upang maisama ang inisyatibo sa QC E-Services portal ng siyudad, kung saan makikita ang lahat ng mga programa ng pamahalaang lungsod.


“We are making all our programs more convenient to the public.  Hindi na sila magpapabalik-balik sa city hall kapag may kulang na requirement. After sending the documents needed, our staff will review and verify these and will advise the applicant if their certificate is ready for pick-up,” dagdag ni Cariňo.

Bukod sa birth registration, malapit na ring maging available sa online ang iba pang mga programa ng Civil Registry Department (CCRD) tulad ng marriage registration at death registration.

Kapag tuluyan nang nailunsad, 24/7 bukas ang portal para tumanggap ng aplikasyon mula sa residente ng QC.