November 25, 2024

82 PULIS SA QC NAGPOSITIBO SA COVID-19

NA-ADMIT na sa Hope facilities ang 82 pulis ng Quezon City Police District (QCPD) matapos magpositibo sa COVID-19, ayon sa lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Quezon City.

Sumailalim sa swab test ang mga miyembro ng QCPD Station 3 bilang bahagi ng programa ng pamahalaang lungsod na magsagawa ng libreng routine testing sa mga frontliners nito na lantad at nasa peligro na mahawa ng virus.

Ayon kay CESU Chief Dr. Rolando Cruz, umabot sa 161 pulis na nakatalaga sa Station 3 ang sumailalim sa swab test, kung saan 79 ang nagnegatibo sa COVID-19.

Kabilang sa mga infected na pulis ay naka-assign sa Police Station 3 (Talipapa), Police Community Precinct 1 (Unang Sigaw), at Police Community Precinct 2 (Bahay Toro).

“The first 48 positive cases were already admitted to several of our HOPE facilities last night, July 27. The other 34 will be admitted today,” saad ni Cruz.

Dagdag pa ni Cruz na ang mga nagpositibo sa nakamamatay na virus ay asymptomatic at nabakunahan na.

Tiniyak naman ni Police Station 3 commander Lieutenant Colonel Cristine Tabdi na mananatili ang istasyon na operational upang tumanggap ng reports o complaints sa receiving area na nasa labas nito.

Subalit, ang nasabing istasyon ay restricted na sa publiko at ipinagbabawal ang pagbisita rito. Iniutos na rin ng city government sa QCPD na beripikahin kung ang mga infected na pulis ay na-deploy bilang security sa SONA, kasabay ng paglalabas ng direktibang lahat ng pulis na naghihintay pa ng resulta ng kanilang test ay dapat sumailalim sa mandatory quarantine at anumang pagsuway sa ipinatutupad na protocol ay paglabag sa probisyong nakasaad sa Republic Act 11332.

Inatasan na rin ni Mayor Joy Belmonte ang lahat ng 16 station commanders na siguruhing ipinatutupad sa kanilang mga istasyon ang minimum health protocols. Samantala, nasa 51 mula sa 82 pulis ng Police Station 3 ng Quezon City na nagpositibo sa test sa COVID-19 ay na-deploy bilang security sa SONA nitong Lunes.

Sa isang press conference, inianunsiyo ni Quezon City Police District (QCPD) director Police Brigadier General Antonio Candido Yarra na ang mga pulis ay nakatalaga rin sa iba pang regular na police functions. “Hundred eighteen of Police Station 3 participated in our SONA deployment and then 51 of them were tested positive,” ani Yarra.