November 12, 2024

PAGSASAILALIM SA METRO MANILA SA MGCQ, NAPAPANAHON NA

Ating himayin mga Ka-Sampaguita ang mungkahi ni Department of Finance (DOF) Secretary Carlos Dominguez sa Inter-Agency Task Force  at kay Pangulong Duterte na isailalim na ang Metro Manila sa Modified General Community Quarantine o MGCQ.

Kasalukuyang nasa GCQ pa ang Kalakhang Maynila at marami sa ating mga kababayan ang nagmumungkahi sa pamahalaan na ilagay na ang Metro Manila sa MGCQ.

May katuwiran ba ang DOF sa rekomendasyong ito? Meron po, mga Ka-Sampaguita. Bstid nating malaki ang naging epekto sa pagtamlay ng ating ekonomiya ang pagsasailalim sa ilang lugar sa ating bansa sa ‘lockdown’. Marami ang nawalan ng trabaho dahil dito. Kung meron man na may mga hanapbuhay pa, nawalan sila ng kita dahil ‘no work, no pay’ ang siste ng mga obrero.

Maraming establishments ang pansamantalang nagsara. Bagama’t may ayudang ibinibigay ang gobyerno kay Juan de la Cruz, hindi sanay ang ating mga kababayan na maghintay at umasa sa wala. Kailangan nilang kumayod upang may pantawid-gutom.

Sang-ayon ako sa DOF na ilagay na ang Metro Manila at kanugnog rehiyon na Region 4-A o CALABARZON sa MGCQ upang sumigla ang ating ekonomiya. Huwag nating iasa sa gobyerno ang lahat dahil may limitasyon ang ibinibigay nilang tulong.

Batid natin na kung mangyayari ito, may ilang hindi sasang-ayon. Papaano aniya kung tumaas  pa ang bilang ng Covid-19 cases? Katuwiran naman ni Sec. Dominguez, isailalim ang mga barangay at mga lugar na mataas ang kaso ng COVID sa lockdown, hindi ang pangkalahatan ng Kamaynilaan.

Gayunman, inanunsiyo ni Pangulong Duterte sa isinagawang pulong sa Palasyo na hanggang sa July 15 mananatiling nasa GCQ ang Kalakhang Maynila, Cavite at Rizal; samantalang ang ilang pook sa Region 4-A ay nasa MGCQ. Kabilang na rito ang Quezon, Laguna at Batangas.

Sa ganang akin, mga kababayan ko, hindi masama na ilagay ang mga nabanggit natin pook sa MGCQ, lalo na’t kinakailangang makabangon ang ekonomiya ng bansa sa ikatlong peryodo ng taon.

Basta gawin lamang ang kakukulang pag-iingat at ipatupad ng mabisa ang programa upang hindi kumalat ang Covid-19.

Batid ko naman na ang mayorya sa ating mga kababayan ay iisipin ang kumakalam nilang sikmura. Ayaw nilang magutom kaysa sa magkaroon ng karamdaman. Papaano raw makaiiwas sa virus kung hindi malakas ang kanilang resistensiya upang panlaban sa karamdaman.

Ang nararapat lamang nating gawin ay maging responsableng mamamayan, disiplinado at hindi makasarili. Isipin din natin ang ating mga naghihikahos na mga kababayan, na nagnanais na maghanapbuhay upang may maipakain sa kanilang pamilya.

Kapag nakipagtulungan tayo sa kinauukulan— at kung magtutulungan tayong intindihin ang bawat isa, hindi malayong ilagay ang Kamaynilaan sa MGCQ sa lalong panahon. Adios Amorsekos.