November 24, 2024

2 GRUPO ISINUSULONG ANG PAGTAKBO SA PANGULUHAN NI YORME SA 2022 ELECTION

PUSPUSAN ang isinasagawang pagsusulong ng mga grupong Parents Enabling Parents (PEP) at ng IM Pilipinas na tumakbo sa pagkapangulo sa 2022 election si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso.

Handa ang dalawang grupo na maghatid ng lubos na suporta mula sa kandidatura hanggang sa pagbabantay ng mga boto ni Yorme sa halalan.

Sinabi sa media ni PEP president Philip Piccio na si Moreno ang kanilang nakitang may kuwalipikasyon na pamunuan ang bansa dahil buo ang loob nito, may political will, bata at physically fit, at tama ang ginawa niya sa Divisoria, ibinalik ang dating magandang Maynila.

Bukod pa aniya rito ang mga isinagawang economic program ng alkalde, pabahay sa mga mahihirap at nasa kanya ang karanasan na mismong nanggaling sa mahirap kaya alam nito kung paano abutin ang masa.

Inihayag naman ni dating Department Executive Director IACT at IM Pilipinas Secretary General Elmer Argaño, na maraming kuwalipikadong maging posibleng running mate ni Mayor Isko subalit ipinauubaya nila ito sa kapasyahan ni Yorme.

“Nasa kanyang laya sa pagpili kung sino ang karunning mate niya. We are looking forward na kukuha siya ng tandem na katulad ng kanyang sigla, kung paano siya gumalaw at kung paano siya umabot sa masa,” paliwanag ni Argaño.

Kung sakaling si Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang marahil na mapili ni Yorme na running mate nito ay irerespeto ng PEP at IM Pilipinas ang magiging pasya ng alkalde at handa silang sumuporta rito.

Umaasa ang PEP at IM Pilipinas na tutugon si Isko sa kanilang panawagan na tumakbo sa pangpanguluhan sa darating na eleksiyon sa susunod na taon.

Sa ngayon wala pang political party na nag-aalok o nag-eendorso sa posibleng kandidatura ni yorme bilang presidente ng bansa.