November 23, 2024

P9M SHABU NALAMBAT SA 2 SUSPEK SA TAGUIG CITY

TAGUIG CITY – Mahaharap sa kasong may kinalaman sa paglabag sa Violation of section 5 ng RA  9165 sa Taguig City Prosecutors Office ang dalawang lalaking suspek na ngayon ay nakakulong na sa Station Drug Enforcement Unit sa Taguig City Police Station, matapos itong maaresto ng mga operatiba ng Station 6 ng Taguig PNP sa pangunguna ni PMaj. Crisanto Agualin, na nagsasagawa ng “Oplan Galugad” sa lugar ng Road 16, Purok 2 Maguindanao St., Brgy. New Lower Bicutan ng nasabing lungsod dakong 4:30 ng hapon noong araw ng Linggo.

Base sa ipinadalang report sa opisina ni NCRPO Chief PMajGen. Vicente Dupa Danao Jr., namataan ng mga awtoridad ang mga suspek na sina Jaime Nepacinas alyas “Jemboy Pascual” at si Eksak Kamsa, parehong mga nasa hustong gulang na kapwa walang suot na face mask kaya nilapitan ito ng mga pulis subalit mabilis na kumaripas ng takbo at nagkahabulan na nagresulta ng pagdakip sa dalawa at doon nadiskubre ang eco bag na kulay green na may laman na mga sumusunod; 27 pcs. ng heat-sealed transparent plastic sachets na may kabuuang timbang na 1 kilo at 350 grams ng mga pinaghihinalaang shabu na mayroong Dangerous Drugs Board (DDB) value na P9,180,000, 1 bundle ng P100 bill na nagkakahalaga ng P10,000, 1 piraso ng weighing scale na kulay itim at isang unit ng cellular phone.

Pinapurihan naman ni PNP Chief PGen. Guillermo Eleazar, ang mga pulis ng Taguig City Police Station 6 dahil sa pagpapatupad ng mga ito ng minimum public health safety protocols partikular na ang pagsita sa mga hindi nagsusuot ng face masks sa kanilang lugar.

Sinabi pa ni Police General Eleazar na, “I Commend the Taguig City Police for confiscating and removing this huge volume of illegal drugs from the streets. Nakita ko rin na ginagawa nila ang kanilang tungkulin sa pagroronda na nagbunga sa pagkakaaresto ng dalawang suspek.” (KOI HIPOLITO)