Kumusta ang buhay natin mga Cabalen? Nawa’y lagi kayong nasa mabuting kalagayan sa kabila ng kinakaharap nating pagsubok— ang krisis na dulot ng pandemya ng COVID-19.
Kaugnay dito mga Cabalen, may lumabas na datus o COVID-19 Report na ang Pilipinas na ang nangunguna sa biglang paglobo ng kaso ng Coronavirus sa Western Pacific Region. Habang tinitipa natin ang suplemento sa pitak na ito, na humigit sa 38,000 ang nagpositibo.
Ang siste, galing sa World Health Organization (WHO) ang datus na nagbibigay konklusyon na ang Pilipinas na nga ang nangunguna. Totoo nga ba ito?
Kung tutuusin mga Cabalen, maliit pa ang bilang ng kaso ng bansa kumpara sa iba na umabot pa nga sa 100,000 o mahigit pa sa loob lamang ng dalawang linggo.
Kung porsiyento ang pag-uusapan, mababa ang kaso ng Coronavirus cases sa Pilipinas kumpara sa ibang nasyon sa Europa. Gayunman, hindi tayo dapat magpakampante porke mababa ang bilang.
Batay kasi sa ulat ng WHO-Western Pacific Region data; may petsang Hunyo 17 hanggang 23, nangunguna ang Pilipinas sa dami ng mga bagong kaso ng COVID-19.
Dahil sa malisyosong impormasyon, pumalag dito ang Palasyo at ang Department of Health (DOH). Depensa ng kinauukulan, maganda ang programa ng bansa sa paglaban sa virus.
Mainam din ang naging resulta sa ginagawang hakbang ng kinauukulan sa pagpapabagal ng ‘doubling of cases’, mababang bilang ng namamatay at mataas na porsiyento ng mga gumaling.
Umalma rin ang karamihan sa mga kababayan natin sa social media sa nasabing datus. Gayunman, pinasinungalingan ng ahensiya ang ‘sweeping conclusion’ na galing umano sa kanila. Anila, hindi sa kanila galing ang konklusyon na no.1 ang Pilipinas.
Ayon kay WHO Country Representative Dr. Rabindra Abeyasinghe, wala sa bokabolaryo nila ang paghahambing o pagkukumpara ng mga bansa— kaugnay sa pagtugon, pagresponde, datos at kung ano ang ginagawang programa upang malabanan ang COVID-19.
Unfair daw sa ahensiya kung sila ang pagbalingan ng inis ng ilan sa ating mga kababayan dahil sa kumalat na impormasyon.
Ang lagay mga Cabalen, mabuti’t pinasinungalingan na ng WHO ang ulat. Iba kasi ang epekto nito sa ating bansa kapag inisip o nagkaroon ng konklusyon ang ibang nasyon na pabaya tayo sa paglaban upang masugpo ang pandemya.
Nalinis ang ating imahe, na kung saan sumasalamin sa ating lahi kung ano ang ating pagtugon at mga inilalatag na pagkilos upang maging responsableng mamamayan— upang hindi tayo mahawa o makahawa ng virus.
Ginagawa ng ating pamahalaan ang lahat upang malabanan ang pagkalat ng sakit at mapababa ang porsiyento ng mga nagpo-positibo.
Sa sitwasyon natin sa ngayon, nakasalalay sa ating kinauukulan kung dapat bang ipatupad ang MGCQ o MECQ sa Kalakhang Maynila at ibang probinsiya— upang hindi na tumaas pa ang kasalukuyang bilang.
Bilang mga mamamayang Pilipino, mga Cabalen, huwag tayong basta-basta maniniwala sa mga malisyosong ulat. Suriin muna natin kung totoo ito o hindi.
Teka… o baka naman may nagpapakalat ng misinformation para sirain ang ating pamahalaan? Which is… may punto naman di po ba?
If that’s the case, I also invoke myself to ‘sweeping conclusion’.
More Stories
PAGPASA NG P3.5 BILYONG BUDGET NG MARIKINA, NAAYON BA?
MGA MAYOR SA RIZAL SUPORTADO SI CHAVIT SINGSON
MGA BAGYONG PASUGAL SA CAVITE