November 24, 2024

‘DI NATUTULOG ANG HUSTISYA: MGA PAMILYA NG DRUG WAR VICTIMS NABUHAYAN SA ICC PROBE

PHOTO: THE GUARDIAN

WALANG balak si Pangulong Rodrigo Duterte na makipagtulungan sa planong imbestisgasyon ng International Criminal Court (ICC) sa madugong giyera kontra droga sa bansa, ayon sa kanyang tagapagsalita.

Ikinagalak naman ng mga pamilya ng mga biktima ang naturang hakbang ng ICC.

Ayon kay Normita Lopez, ina ng isa sa mga biktima ng kampanya kontra droga, hindi niya maitago ang kaligayahan matapos humingi ng permiso ang ICC na imbestigahan ang war on drugs sa Pilipinas.

“I am happy because I realized that justice never sleeps,” saad ni Lopez, 56, na kabilang sa mga nagreklamo sa ICC upang ipinawagan na mapanagot si Duterte kaugnay sa libo-libo na di-umanoy  extra-judicial killings.

“God is not sleeping, he always finds a way,” saad niya. Napatay ang kanyang 27-anyos na anak noong Mayo 2017 matapos umanong manlaban sa isang operasyon.

Mula noon, sinasabi ng Philippine security forces na 6,117 na hinihinalang mga drug dealer ang kanilang napatay matapos umanong mga manlaban, pero naniniwala ang rights groups na pinatay ng mga awtoridad ang mga drug suspect.

Pero sabi ng Palasyo nitong Martes, walang balak si Pangulong Rodrigo Duterte na makipagtulungan sa imbestigasyon hanggang matapos ang termino nito sa 2022.

“This is now a political issue. Hinding-hindi magko-cooperate ang Presidente hanggang tapos ng kaniyang termino sa June 30, 2022,” ani Presidential Spokesman Harry Roque.

Giit pa ni Roque, wala nang karapatan ang ICC na mag-imbestiga lalo’t tumiwalag na ang Pilipinas dito noong 2019.

Ayon naman kay ICC chief prosecutor Fatou Bensouda, bagama’t naging epektibo ang pagkalas ng Pilipinas sa Rome Statute noong Marso 17, 2019, may hurisdiksyon ang ICC sa mga krimeng umano’y nangyari sa bansa noong panahong saklaw pa ito ng korte. 

Katwiran pa ni Roque, umiiral naman daw ang sistema sa Pilipinas para panagutin ang mga may sala sa pagpatay, kaya di na umano dapat sumawsaw ang ICC sa isyu.

“Lahat po ng mga kaso kung saan may namatay in the course of a police operation ay iimbestigahan. Hindi po natin kinailangan ang mga dayuhan na mag-imbestiga… dahil gumagana po ang sistemang legal sa Pilipinas,” sabi ni Roque.

Pero maging si Randy delos Santos, tiyuhin ng high school student na si Kian delos Sanatos na pinatay ng police officer noong Agosto 2017 ay hindi naniniwala sa sinasabi ng gobyerno na nanlaban ang mga biktima. Para naman sa maraming rights groups, ang ICC probe ay hakbang sa pagkamit ng hustisya sa mga walang habas na pinaslang sa giyera kontra droga ng pamahalaan.