November 3, 2024

IMEE NANINIWALA NA ‘VERY OPEN-MINDED’ ANG MILLENNIALS PARA BUHAYIN ANG PAMILYA MARCOS

Para kay Sen. Imee Marcos, hindi na ramdam ang “poot” na itinanim sa isipan ng taumbayan ng mga kritiko laban sa kanilang pamilya para hindi na makabalik pa sa puwesto.


Nagising na raw kasi sa katotohanan itong mga millennial mula sa mga paninira at kasinungalingan na ipinupukol sa kanilang pamilya, ayon sa nakatatandang anak na babae ng yumaong dikator na si Ferdinand Marcos sa isang panayam kasama ang journalist na si Luchi Cruz-Valdez.

“Parang hindi na namin masyadong nararamdaman yung ganyan at yung sinasabi mong hostility. Kasi sa totoo lang, yung mga millennials very open-minded. Nagtatanong nga ano yung katotohanan at hindi rin naniniwala sa lahat ng paninira, mga batikos,” saad niya.

Noong 2019, malaki ang naging ambag ng boto ng millennials para manalo si Imee bilang Senador.

Nang tanungin kung may balak siyang tumakbo sa mas mataas na posisyon sa susunod na taon, sinagot ito ng nakatatandang Marcos ng isang malaking ‘no.’

Si Bongbong ang tatakbo. Kung ano ang tatakbuhan, ayan antay-antay muna,” paliwanag nito.

Ako, medyo may trabaho ako. At least I have a job until 2025,” dagdag pa niya.

Maaring tumakbo si Bongbong Marcos sa pagka-senador o vice presidente, at bukas rin siya sa pagka-presidente. Kalaunan ay sinabi ni Imee na hindi nagpapakamatay ang kanyang pamilya para makabalik sa Malacañang.

“Unang-una, hindi naman kami nagpapakamatay na bumalik sa Malacañang. There isn’t a great sinister strategic plan somewhere to go back to Malacanang at all. Talagang ayaw namin sana ng pulitika eh,” aniya.

Hindi ko kayang baguhin ang kasaysayan. Ang akin lamang, eh kinakailangan yung side namin kasi nga tinatanong nga ng marami. [Kung] merong revisionism yun, I don’t think so,”  saad pa niya.

‘Yun din yung duty ika nga, na sabihin kung anong alam namin, ano yung side para magkaroon tayo ng kabuuhan ng katotohanan at ng kasaysayan,” dagdag pa nito.