November 24, 2024

DUTERTE IBUBUHOS ANG PONDO NG OFFICE OF THE PRESIDENT SA BAKUNA

Inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang release ng P2.5 billion mula sa contingency fund ng Office of the President (OP) para dagdagan ang pondo sa pagbili ng COVID-19 vaccines.

Sinabi ni Budget Sec. Wendel Avisado, gagamitin ang nasabing pondo sa pagbili ng nasa apat na milyong doses ng bakuna at kinakailangang logistical at administrative cost.

Ayon pa kay Sec. Avisado, naglabas na siya ng special allotment release order (SARO) at notice of cash allocation para rito sa Department of Health (DOH).

Inihayag ni Sec. Avisado na hindi talaga sapat ang naunang inilaang P82.5 billion para sa pagbili ng mga bakuna at posibleng kinakailangan pa ng karagdagang P25 billion ngayong taon.

“Sa madaling sabi hindi lang po talaga P82.5 billion ang gagastusin natin ngayong taon para sa pagbili ng vaccines kaya pati contingency fund kailangan gamitin,” ani Sec. Avisado.