November 23, 2024

WALANG ALAM SI CHAIRMAN SA TALAMAK NA BENTAHAN NG DROGA SA BARANGAY SAN ANDRES?

NAALARMA ang Cainta PNP nang makarating kay Idol Raffy Tulfo sa kanyang programa ang reklamo ng tatlong nanay kaugnay sa lantaran at talamak na bentahan ng droga sa Floodway na sakop ng Barangay San Andres, Cainta, Rizal.

Sa napanood nating video na ipinadala ng mga kabarangay natin kay Idol Raffy, makikita na kahit sa katirikan ng araw ay parang kendi na ibinebenta ang shabu sa tapat mismo ng Rica’s Store sa nabanggit na lugar.

Mantakin ninyo 24/7 ang bentahan ng droga at batakan ng mga adik sa lugar na sakop ng PCP 2 sa Cainta.

Ang masaklap pa, simula pa noong Nobyembre pa inirereklamo itong talamak at garapalan na bentahan ng droga pero walang responde ang pulisya at mga barangay?

Hindi tuloy maiwasan ng ating mga kabarangay na isipin na mayroong nagbibigay ng proteksyon dito sa mga tulak at adik sa aming  barangay.

Ups, wala tayong sinasabi na protektado ito ng opisyal ng barangay o pulisya, ha? Sila lang ang nag-iisip niyan.

Maging ang aming Kapitan Joe Ferrer ay na-interview sa nasabing programa ni Idol Raffy at tulad ng dati walang alam ang aming kapitan sa talamak na bentahan ng ilegal na droga sa nasabing lugar na kanyang nasasakupan.

Kung sa bagay, ‘mismong paupahan nga ni Ferrer na ginawang shabu lab na sinalakay noong Enero 7, 2021 ng  mga tauhan ng PNP at PDEA ay hindi rin alam ni Kap na may pagawaan pala ng droga roon.

Ayon sa mga ususero, ang lawak daw ng paupahan ni Kapitan na ginawang shabu lab at may warehouse pa ng hollow block?

Kamusta rin ‘yung mga unit ng condo natin diyan sa Cambridge at mga mamahalin nating sasakayan, Kap?

Kaya pala marami ang ang humahanga rito kay Kap. Ferrer at gustong gawing ‘inspirasyon sa buhay’ lalo na ng mga kalugar ko sa Barangay San Andres.

Ayon kasi sa kanila, simula nang maging chairman ito ng aming barangay ay ‘yumaman talaga nang husto itong si Kap. Ferrer?! Hindi sa akin nanggaling ‘yan!

Ang ikinalungkot lang ng aking mga kalugar dito sa Sitio Felix, madalas lang makita si Kapitan tuwing eleksyon.  Totoo ba ito?

Kaya hindi raw sila nagtataka kung bakit walang alam si Kapitan Ferrer sa nangyayari sa kanyang nasasakupan lalo na pagdating sa droga. Kayo talaga, baka busy lang ‘yung mama?!

Anyway, malaking hamon sa bagong upong hepe ng Cainta na si P/LTCol. Orlando Carag ang salot na droga sa aming bayan. Kaya dapat magpakitang-gilas siya kay PNP Chief. Gen. Guillermo Eleazar bago mahuli ang lahat. ‘Yun lang!