November 5, 2024

MALAPITAN, HERNANDEZ, MENDIOLA, PALLARCA AT DEPED KINASUHAN NA SA OMBUDSMAN

TULUYAN nang kinasuhan ng pandarambong sa Ombudsman sina Caloocan City Mayor Oscar Malapitan, City Administrator Oliver Hernandez, City Treasurer Analiza Mendiola, DepEd Usec Alaindel Pascua at supplier na si  Annalou Palarca.

Ang 13-pahinang demanda sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act ay isinampa nina Konsehal Alex Mangasar , Marilou” Alou” Nubla at Christopher “ Pj” Malonzo kaugnay ng maanomalyang pagbili ng palsipikado at overprice tablet na ipinamigay sa mga mag -aaral ng Caloocan City.

Base sa isinampang kaso  nina Mangasar, Nubla at Malonzo maliwanag   na pandarambong sapagkat hindi umano dumaan sa tamang proseso ang P320 milyong pisong halaga ng tablet.

Nagkaroon di-umano ng sabwatan sa pagitan nina Malapitan, Hernandez, Mendiola, Pallarca at Pascua upang mabili ang Cherry Cosmos 7 na nagkakahalaga ng P4,930.00 bawat isa. Ito ay mas mahal kaysa sa Cherry Mobile Radar Deluxe 2 na nagkakahalaga lamang ng P 3,299.00 na pumasa sa technical specification ng Division of City School.

Nakapaloob din sa pahina ng reklamo na mag pinaboran ng mga opisyal ang pagbili ng mahal na tablet na hindi magamit kaysa sa mura na dapat sanang nakakatulong sa mga kabataan.

Sakaling binili ng mga opisyal ang murang tablet na inerekomenda ng DepEd, nakatipid sana ng P79 milyon ang pamahalaang lokal ng Caloocan.

Dapat sanang gumugol lamang ang Caloocan ng P239,125,554 milyong sa halip na P320 milyon.

Bukod pa rito, napagalaman na hindi rin daw umano nagamit ng mga estudyante ng Caloocan City ang tablet na ipinamigay ni Mayor Malapitan dahil sa palsipikado ito.

Base pa sa inihaing reklamo, nauna na nang pinadalhan ng sulat ng mga konsehal si Malapitan upang ipakita ang   detalye ng naging proseso ng bidding sa loob ng 15 araw base sa inaprubahang ordinansa na sa halip ay umabot ng walong buwan.