November 27, 2024

Pag-freeze sa P2.3B pambayad sa supplier ng plaka ng mga sasakyan inamalhan ng LCSP

Inalmahan ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) sa iginigiit na hidwaan sa pagitan ng dalawang kompanyang umaangkin sa pagsu-supply ng plate number ng mga sasakyan sa bansa na naging dahilan upang patuloy na maantala ang pagkakaloob nito sa mga nagmamay-ari ng sasakyan.

Sa ginanap na panayam sa PITX sinabi ni Atty. Ariel Inton, pangulo ng LCSP na hindi makatuwiran ang ginawang pag-freeze ng sangay ng Landbank sa Ortigas, Pasig city sa P2.3 bilyong pisong bayad sa kasalukuyang supplier ng plaka ng Land Transportation Office (LTO), ang OMI-JKG na pinamumunuan ni Annabelle Arcilla bilang pinuno ng joint venture.

Sinabi ni Atty. Inton na na-freeze ang naturang kabayaran makaraang sumulat ang dating supplier na PPI-KLG na dating nakakuha ng limang taong kontrata  mula 2013 hanggang 2018 sa Landbank na hindi dapat i-release ang salapi dahil may usapin pa kung sino ang talagang may karapatan na mag-supply ng plaka.

Ayon kay Inton, nabili na ng OMI-JKG ang mayorya ng share ng naturang kompanya sa dating kasosyo na si Christian Calalang kaya’t malinaw na wala ng dapat pang habulin ang mga ito sa ibinayad ng LTO.

Naniniwala ang grupo ni Atty. Inton na hindi maglalakas-loob ang sangay ng Landbank na i-freeze ang salapi kung walang mas malalaking taong nasa likod nito.

Ito aniya ang dahilan kaya’t patuloy naa naa-antala ang pamamahagi ng plaka ng mga sasakyang naparehisto at nakapagbayad na ng bagong plaka mula pa noong taong 2014 dahil hindi aniya makapag-bayad sa kanilang supplier ang OMI-JKG sanhi ng pagka-ipit ng bayad sa kanila ng LTO

Sa ngayon aniya ay hihilingin na nila sa Senado ang muling pagbubukas ng imbestigasyon sa isyu ng kawalan ng plaka ng mga sasakyan, bukod pa sa kanilang kahilingan sa National Bureau of Investigation (NBI) na siyasatin ang mga dokumentong ipini-prisinta ng grupo nina Calalang.

Sumulat na rin aniya sila sa Consumer Assistance ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) upang suriin kung may legal na basehan ang ginawang pag-freeze ng sangay ng Landbank ng salaping bayad sa kanila ng LTO.