Nais natin tawagin ang pansin ni Department of Transportation o DOTR Secretary Arthur Tugade, at buong pamunuan ng Philippine Ports Authority o PPA diyan sa “Billionaires Port” of Batangas upang aksiyonan ang mga nangyayaring kalbaryo ‘di umano na dinaranas ng mga pasaherong pauwi at galing ng probinsya ng Mindoro.
Grabe ang pahirap na dulot umano ng bagong gawang pasukan at labasan na inilagay diyan sa Batangas Port.
Sino naman kayang “tanga at inutil” ang nakaisip ng ideya na yan kung pahirap sa mga pasahero ang hatid ng implementasyon na iyan. Hindi ba dapat kapag nag-isip ka ng gagawin sistema diyan sa Port ay dapat iyon mapapagaan ang buhay at kilos ng mga pasahero?
Eh, mukhang naging paurong yata kayo diyan mga sir?
Ayon pa sa nakalap nating impormasyon mga ka-Patrol, iyon dati umanong 100 metro na layo ng entrance at exit sa Passenger Terminal para sa mga sasakay ng barko ay inilipat na duon sa may mga pinaka-main entrace ng Batangas Port at umaabot na umano ngayon ng hanggang dalawang kilometrong lakaran. Magaling na ideya ng isang “inutil at herodes” na gusto yatang magpinitensya sa daan ang mga pasaherong may dalang mga bata at matatandang pasahero bago makarating ng terminal at makasakay ng barko pauwi ng Mindoro, ano po?
Maliban sa walang bubong ang nilalakaran ay napakakitid din daw ng daan at hindi basta madadaanan ng mga porter. Ano ba yan, mga kuya?!
At hindi pa yan ang sumbong na ating nalaman dumaranas ng pagkahilo ang mga senior citizens na mga pasahero na meron pang mga karay-karay na mga mabibigat na gamit bago makarating ng ticketing booth. Ang iba naman ay halos lupaypay na bago pa makabili ng kanilang mga ticket dahil sa nangyayaring pahirap na sistemang iyan sa kanila.
Subalit ang naging tugon naman ‘di umano sa mga nagrereklamo ng pamunuan ng PPA Batangas ay meron silang mga inihanda o provided shuttles na masasakyan ng mga pasahero na tila wala naman umanong nakikitang mga shuttle service ang mga pasaherong napipilitan maglakad nang malayo.
Kaya’t ang tanong natin sa PPA meron ba kayong itinalagang mga tao para magmonitor ng inyong mga shuttles para sa mga pasahero o baka naman kain, tulog at tago na lamang ang gawa ng inyong mga shuttle drivers, mga sir?
Hindi pa riyan nagtatapos ang kalbaryo ng mga pasahero ng barko, there’s more, mga ka Patrol! Mayroon pang mga modus na “agaw-bagahe” na mga grupo ang pilit kinukuha ang mga bagahe ng mga kawawang pasahero at sisingilin ng mahal na presyo na parang mga “Zest-o Gang” at meron pang mga peke o nambubudol ‘di umano na mga Insurance Company ang bumibiktima sa kanila.
Mayroon bang gobyerno at awtoridad diyan sa Batangas Port at kung meron ay galaw-galaw kayo diyan baka naman puno ang bulsa at ma-stroke? Hehehe… Kaya tinatawagan natin ang PNP Maritime Police, Phil. Coast Guard at PPA diyan sa Batangas Port na agarang umaksyon at pagaanin ang kalbaryo ng mga pasahero ng barko hanggang sa muli. May kasunod pa.
More Stories
PAGPASA NG P3.5 BILYONG BUDGET NG MARIKINA, NAAYON BA?
MGA MAYOR SA RIZAL SUPORTADO SI CHAVIT SINGSON
MGA BAGYONG PASUGAL SA CAVITE