November 24, 2024

ATENEO INILABAS COLLEGE ADMISSION RESULTS

Inilabas na ng Ateneo De Manila University ang mga resulta ng kanilang admission process para sa incoming freshman matapos nitong suspendehin ang kanilang college admission test dahil sa COVID-19 pandemic.


Ayon sa Ateneo, ii-email nila ang resulta sa lahat ng mga aplikante, na may link para sa searchable results  na ipo-post din sa lalong madaling panahon.

“Since the campus is still closed, we’re finding ways to welcome incoming first year students to your new home, and will have open houses and other events in the coming weeks,” ayon sa unibersidad.

Ngayong taon, hindi muna magsasagawa ng entrance examination ang Ateneo tulad ng ibang unibersidad upang maiwasan na ma-expose ang mga workers at aplikante sa banta ng COVID-19.

Sa halip, bubuo ang unibersidad ng komite na pipili para sa mga bagong estudyante, ibabase ang desisyon nito sa past academic performance ng aplikante, rekomendasyon ng mga guro at impormasyon ng kanilang application form.

Isa ang Ateneo de Manila sa nangungunang unibersidad sa bansa at pasok sa pinakamahusay na higher educational institutions hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.

Kamakailan lang ay pasok sa ranking na 201-300 bracket ang naturang unibersidad sa 2021 Times Education Impact Rankings, kung saan sinusukat ang sustainability efforts ng mga unibersidad sa buong mundo.